Sara1

Senado naka-focus sa impeachment trial ni VP Sara

28 Views

NILINAW ni Senate President Francis Chiz Escudero na wala siyang balak na magsampa ng reklamo laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng pahayag nito kamakailan na nagpapahiwatig ng pananakit sa ilang senador. Iginiit niyang ang Senado ay magpapokus sa nalalapit na impeachment at hindi papatol sa anumang panggugulo.

“Sasagot muna ako bilang abogado. No need. The complainant actually has to file a complaint,” sagot ni Escudero nang tanungin kung siya o ang kanyang mga kasamahan ay magsasampa ng kaso o dadalhin ang usapin sa National Bureau of Investigation (NBI).

Ipinaliwanag niya na alinsunod sa proseso ng batas, ang mga piskal ay maaari lamang magsulong ng kaso kung may pormal na reklamo mula sa apektadong partido.

“Pag hindi siya nagreklamo, hindi pwede magdi-demanda ang piskal. Hindi naman kasama sa kasara yan. So the fiscal can file this regardless of the presence or absence of a complaint from the supposedly threatened party,” aniya.

Nang usisain kung tama o mali ang sinabi ni Duterte, umiwas si Escudero na magbigay ng hatol.

“Hindi para sa akin sabihing tama o mali yan. Pero may karapatan silang gawin yan,” aniya, patungkol sa mga maaaring gustong magsampa ng reklamo.

Gayunpaman, itinanggi niyang siya ay direktang tinarget ni Duterte.

“Para sa akin, I don’t feel alluded to. Parang hindi ko naramdaman na isa ako sa 15 na senador. Hindi ko alam kung sino pero parang hindi ako kasama doon,” pahayag niya.

Nang tanungin kung nakakabahala ang naturang pahayag, iginiit ni Escudero na hindi ito naging banta sa mga senador, at sa halip ay tututok lamang sila sa kanilang papel bilang senator-judge.

“I don’t think any of the Senators felt threatened by that remark. I just saw a few of them during the birthday of a Senator and that was not even talked about,” aniya.

Samantala, ipinahayag naman ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa ang kumpiyansa na kayang ipagtanggol ni Duterte ang kanyang sarili laban sa mga kasong isinampa ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).

“Wala ‘yan. If ever mag-prosper ‘yung kaso na ‘yan sa prosecution, kayang-kaya naman ‘yan ni Pangulong Duterte harapin. Wala ‘yan. Non-issue ‘yan,” pahayag ni Dela Rosa sa isang panayam noong Lunes ng gabi.

Naghain ng reklamo para sa unlawful utterances at inciting to sedition ang PNP-CIDG chief Brig. Gen. Nicolas Torre III sa Department of Justice (DOJ) kahit walang pribadong nagreklamo.

“I don’t know why. Meron bang nag-complain na papatayin siya? Wala naman siguro. At kusang loob lang, parang motu proprio nagpa-file ng kaso sa CIDG ng kaso laban sa kanya. So that’s something to think about, ‘di ba?” ani Dela Rosa.

Habang kinikilala ang karapatan ng PNP-CIDG na magsampa ng kaso, pinagdudahan niya ang pangangailangan nito.

Iginiit ni Dela Rosa na biro lamang ang pahayag ni Duterte.

“Kilala naman niyo si Pangulong Duterte kung paano ‘yan magsalita, magbiro. Kung may balak siyang patayin, eh di… Bakit sasabihin pa niya in national TV? Patayin? Very clear na nagbibiro lang, nagpapatawa lang ‘yung tao.”

Iniulat na ginawa ni Duterte ang pahayag sa proclamation rally ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) noong Pebrero 13, kung saan sinabi niyang:

“Patayin natin ‘yung mga senador ngayon para mabakante. Kung makapatay tayo ng mga 15 na senador, pasok na tayong lahat.”

Samantala, kabilang sa mga senador na nagbigay ng reaksyon si Senate Pro Tempore Jinggoy Estrada, na sinabing hindi dapat palakihin ang isyu at dapat manatiling hindi pinapaboran ang alinmang panig sa nalalapit na impeachment ni VP Duterte.

“Mapagbiro lang talaga si PRRD,” ayon kay Sen. Estrada.

Sa kabila ng kontrobersya, wala pang senador ang nagpahayag ng intensyon na magsampa ng pormal na reklamo laban kay Duterte sa kanyang pahayag.