Calendar

Tiwali, abusadong pulis walang puwang sa PNP — Marbil
MULING binigyang diin ni Philippine National Police chief, General Rommel Francisco D. Marbil kahapon na walang puwang sa serbisyo ang mga tiwali at abusadong miyembro ng kapulisan kung saan may kabuuang bilang ng 753 na ang nasibak sa organisasyon simula noon Abril 2024.
Ayon sa hepe ng Pambansang Pulisya, nananatiling matibay ang PNP sa pagpapatupad ng disiplina at pananagutan sa hanay ng kapulisan alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang mataas na integridad sa pagpapatupad ng batas at palakasin ang tiwala ng publiko sa pamahalaan.
Mula Abril 1, 2024, hanggang Pebrero 12, 2025, umabot sa 753 PNP personnel ang na-dismiss sa serbisyo dahil sa iba’t ibang mabibigat na paglabag, kabilang ang 493 kaso ng AWOL o Absence Without Official Leave, 38 kaso ng paggamit ng ilegal na droga, 18 kaso ng robbery/extortion, 15 kaso ng carnapping, at iba pang seryosong paglabag tulad ng homicide, murder, rape, at graft/malversation.
“Ang ating mandato ay protektahan at pagsilbihan ang mamamayan, hindi sila takutin o abusuhin. Ang sinumang pulis na masasangkot sa iligal na gawain ay hindi natin kukunsintihin at lubos na walang puwang sa organisasyon ang mga pulis na lumalabag sa batas,” ayon kay Gen. Marbil.
Dagdag pa niya: “Karapatan ng bawat Pilipino na magkaroon ng isang kapulisan na maaasahan, tapat, at propesyonal. Ang bawat hakbang natin sa pagpapatibay ng disiplina ay bahagi ng ating pagsisikap na makuha at mapanatili ang tiwala ng publiko. Kung sino man ang lumabag dito ay hindi na dapat pang manatili sa serbisyo.”
Sa isang press statement na pinalabas ni PNP Public Information Office chief, Colonel Randulf T. Tuaño, sinabi ng liderato ng PNP na tinitiyak nito na ang lahat ng dismissal cases ay dumaan sa due process, makatarungang imbestigasyon, at administrative review.
Bagama’t hindi ipinapa-media ang mga indibidwal na kaso, mahigpit ang internal monitoring at pagpapatupad ng disiplina upang mapanatili ang kredibilidad ng organisasyon, ayon kay Col. Tuaño.
Upang mapanatili ang tiwala ng publiko, patuloy na ipinapatupad ng PNP ang ethics training, internal audits, at performance monitoring upang masigurong tanging mga kwalipikado at mapagkakatiwalaang pulis lamang ang nananatili sa serbisyo at naglilingkod sa sambayanang Pilipino, ayon sa opisyal.
Sa kabuuan, mula Enero 1, 2022 hanggang Pebrero 12, 2025 ay umabot na sa 2,598 PNP personnel ang natanggal na sa serbisyo matapos mapatunayang sangkot sa ibat-ibang uri ng iregularidad at paglabag sa batas.