Dongyan

Screen reunion, dream come true sa DongYan

Ian F Fariñas May 5, 2022
284 Views

HANDS-ON ang mag-asawang Dingdong Dantes at Marian Rivera sa screen reunion nilang Jose & Maria’s Bonggang Villa kung saan isa sila sa co-producers kasama ang GMA Network at APT Entertainment. Actually, second project na nila ito bilang co-producer pero anang Kapuso Primetime Queen sa presscon kahapon ng Jose & Maria’s Bonggang Villa, ngayon pa lang sila ganito ka-involved sa production at nagpapasalamat sila sa respeto at tiwalang ibinibigay ng GMA at APT lalo na sa pagpili ng kanilang magiging guests sa sitcom.

“Ang naaalala ko lang, pumipirma po ako ng tseke tapos kinukuha nila. Hahaha! Nakakatuwa kasi first time, actually, pangalawa naman, pero dito talaga ako mas involved talaga, especially, halimbawa, may mga cast na maggi-guest, tinatanong nila kami ‘okay ba sa inyo?’ ‘Sino ba ang request n’yo, sino ba ang dapat sa karakter na ’to?’

“So involved kami sa pagsasabi na ‘ay, ito okay ito, i-guest natin ito.’ Tapos, well, sa script naman hindi na namin alalahanin dahil tulad nga ng sabi ni Direk (John ‘Sweet’ Lapus), ang gagaling naman ng mga writer namin, so, ayun, bukod du’n, tseke tapos cash, ’yun lang muna,” kwento ni Marian sa press.

“Dream come true” nga para sa DongYan ang muli nilang pagsasama sa telebisyon sa loob ng sampung taon.

Sabi nga ni Dong, “Dream talaga namin na magsama kami ulit sa isang proyekto kasi napakatagal na nu’ng huling show na ginawa namin together. In fact, bago pa kami ikasal. Sabi namin sana balang araw magkaroon din tayo ng isang show ulit na magkasama tayo. and ’yung comedy format naman isang bagay din naman na ’di pa namin nagagawa. Kasi nag-drama na kami, nag-action, kung anu-ano pa. Kaya sabi namin, maganda sana kung isang comedy show ang gawin namin together. Kaya para sa amin, dream come true po ito.”

Dagdag ni Marian, “Tulad ng sabi namin, nagsimula kasi ito sa bahay, nagawan ng paraan na ipalabas namin ito sa telebisyon. Siyempre, very thankful ako dahil wishing din ako na makasama uli si Dong after 10 years, more than 10 years, so parang ang saya lang. Tapos comedy pa, very light at the same time, ’di kami naka-lock-in. Kasi kahit papa’no maluwag na rin naman, pero siyempre, ganu’n pa rin, nag-iingat pa rin kami sa taping. May mga test pa rin kami bago pumunta sa taping para lahat safe talaga.”

Mag-asawa ang characters nina Dong at Yan sa sitcom na bubuhayin ang isang lumang bahay kung saan nila makikilala ang iba pang characters sa istorya.

“Du’n sa lumang bahay na ’yon, maraming mangyayari, so, du’n iikot ang kwento namin,” pahayag ni Dong.

At dahil first time niyang magku-comedy, inamin ng aktor na medyo nahirapan siya sa mga unang eksena pero thankful daw siya na inalalayan siya ni Yan na hasang-hasa naman sa ganitong genre.

Ang Jose & Maria’s Bonggang Villa ay mapapanood na sa GMA Network simula May 14.

Kasama rin sa cast sina Shamaine Buencamino, Pinky Amador, Benjie Paras, Mike “Pekto” Nacua, atbp.