Calendar

Mga senador hiniling iwasan mga pahayag na makakaapekto sa impeach trial
Iginiit ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na hindi magpapadikta ang Senado sa pampulitikang pressure habang naghahanda ito para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Binigyang-diin niya na patas at naaayon sa due process ang magiging paghawak ng Senado sa paglilitis.
“Baliwala sa akin ang anumang opinion o suhestiyon o pag tulak ng mga partisano pabor o kontra kay VP Sara,” pahayag ni Escudero, na iginiit ang kahalagahan ng pagiging apolitikal sa proseso.
Nanawagan din siya sa mga senador na iwasan ang pagbibitiw ng mga pahayag na maaaring makaimpluwensya sa kaso bago pa man ito masimulan.
Sa pagsisimula ng sesyon ng Senado sa Hunyo 2, tiniyak ni Escudero na susunod ang impeachment trial sa mga itinatakda ng Konstitusyon, sa kabila ng patuloy na hamong pampulitika at legal.
Samantala, kinuwestiyon ni Vice President Duterte ang impeachment process sa Korte Suprema at humiling ng temporary restraining order upang ipatigil ang proseso.
May iba pang mga petisyon na inihain, kabilang ang panawagang pilitin ang Senado na agad magtipon bilang impeachment court.
Ayon kay Escudero, makakatulong ang mga kasong ito upang linawin ang mga konstitusyonal na isyu bago pa man magsimula ang paglilitis.
“Marahil providential na hindi kami natuloy sa trial dahil nag-recess kami para lahat ng mga bagay na ito ay maidulog na sa Korte Suprema, mapagpasyahan na ng Korte Suprema para wala ng pipigil o aantala pa sa trial,” aniya.
Sa kabila ng mga hamong ito, muling iginiit ni Escudero na tutuparin ng Senado ang tungkulin nito ayon sa Konstitusyon, maliban na lamang kung may kautusan mula sa Korte Suprema na nagsasabing itigil ang proseso.
Habang umuusad ang impeachment process, nananatili siyang nakatuon sa pagsigurong magiging patas at walang kinikilingan ang paglilitis, habang binabalanse ang legal na tungkulin at ang pampulitikang realidad sa paligid ng kaso.
“Gagawin namin ang itinatadhana ng Konstitusyon,” aniya.