Calendar

Hamon sa mga senator-judges, alalahanin principal na kulong ng 11 taon dahil sa P5,000 na ibinulsa
NANAWAGAN ang isang solon sa mga magiging senator-judge sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na alalahanin ang 11-taong pagkakakulong na hatol ng Sandiganbayan sa isang principal dahil sa ibinulsa nitong P5,000.
Ito ang sinabi ni House Assistant Majority Leader at Zambales Rep. Jay Khonghun sa gitna ng mga panawagan na simulan na ng Senado ang impeachment trial ni Duterte.
Kabilang sa mga paratang laban sa Pangalawang Pangulo ang katiwalian sa umano’y kabiguang ipaliwanag at maling pangangasiwa sa kabuuang P612.5 milyon na confidential funds na inilaan sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) noong 2022 at 2023 nang siya ay kalihim ng edukasyon.
“Kung ang isang public school principal ay na-convict at nakulong sa pagbulsa diumano ng P5,000, dapat ma-convict din at matanggal sa puwesto si Vice President Duterte sa umano’y di maipaliwanag na paggamit ng P612.5 milyon na pera ng taong-bayan,” ani Khonghun.
Aniya, nakasalalay sa nalalapit na impeachment trial ng ikalawang pinakamataas na halal na opisyal ng bansa ang kredibilidad ng sistemang pangkatarungan at pananagutan sa Pilipinas.
“Dapat pantay ang pagtrato ng sistemang ito sa mga public servant, maging principal ka man o Vice President,” dagdag niya.
Nagsagawa ng ilang pagdinig ang komite ng House of Representatives on good government and public accountability kaugnay sa umano’y maling paggamit ng P612.5 milyon na confidential at intelligence funds (CIFs) ng OVP at DepEd sa ilalim ng pamumuno ni VP Duterte.
Natuklasan ng komite, sa pangunguna ni Manila Rep. Joel Chua, ang malalaking halaga ng bayad na natanggap ng daan-daang umano’y impormante na nagbibigay diumano ng intelligence o confidential information.
Sa kahilingan ng komite, sinabi ng Philippine Statistics Authority (PSA) na wala itong anumang rekord ng mga impormanteng ito, kabilang na ang ngayo’y tanyag na si “Mary Grace Piattos,” dahilan upang magduda ang mga miyembro ng komite na hindi tunay ang mga nakatanggap ng pondo.
Napansin din ng komite ang ilang iregularidad sa mga acknowledgment receipt na sumasaklaw sa mga bayad.
Kinuwestiyon din ng Commission on Audit (COA) ang legalidad ng paggamit ng karamihan sa P612.5 milyong CIFs, kabilang ang P125 milyon na naubos sa loob lamang ng 11 araw.
Ayon sa mga miyembro ng impeachment prosecution team ng Kamara, may matibay silang ebidensya upang patunayan ang kasong impeachment kaugnay sa maling paggamit ng CIFs ng OVP at DepEd noong panahon ni VP Duterte bilang kalihim ng edukasyon.
Pareho rin ang kanilang pagtataya sa Article of Impeachment No. 1, na may kaugnayan sa press conference noong Nobyembre 23, 2024, kung saan nagbanta umano si VP Duterte na ipapapatay sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos Araneta at Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez kung siya ay paslangin.
Ang ebidensya para sa partikular na paratang na ito ay kinabibilangan ng mga video ng banta, na malawakang kumalat sa social media.
Nagsampa na ang National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) ng kasong grave threats at inciting to sedition laban sa Pangalawang Pangulo kaugnay sa kanyang pahayag na “kill” pronouncement.