Louis Biraogo

Malaya, makabayan, masang mamamayan sa Mayo 9, 2022

385 Views

• Halalan na sa Mayo 9, 2022
• Malaya
• Makabayan
• Masa ang nakakarami
• Demokrasya
• Mamamayan

Halalan na sa Mayo 9, 2022!

Mahalaga ang araw na ito sa ating mga Pilipino.

Una sa lahat, ang araw na ito ay ang takda ng halalan kung kailan maghahalal tayo ng ating pinakamataas na pinuno, ang pangulo ng ating bansa. Ang pangulo ang simbolo ng ating mga pangarap at mithiin ukol sa pambansang pamumuhay. Ang pangulo din ang inaasahang magbibigay ng mga alituntunin at pagkaayusan ng ating pamumuhay bilang mamamayan. Ang pangulo din ang inaasahan na mag-ahon ng marami sa kinalalagyang kahirapan.

Mahalaga ang araw na ito dahil mahalaga din ang pagkakataon na binibigay sa bawat mamamayan, kaya maintindihan natin kung bakit napakainit ng balitaktakan at pagtatalo-talo sa bawat sulok ng bansa.

Ang paghalal ng mga napiling mamumuno ng bawat mamamayan ang pagpapatibay na ang bawat isa sa atin, mayaman o mahirap, makapangyarihan o hindi, may pinag-aralan o wala, ay binigyan ng karapatan na pumili ng ating mamumuno. Bilang kasapi ng taumbayan, na nagbabayad ng buwis na ginugugol sa pagpapatakbo ng pamahalaan, kalakip na ang pasuweldo ng Pangulo at lahat ng nanunungkulan sa pamahalaan, tayo ang pinaglilingkuran at ang mga ihahalal natin sa darating na Mayo 9, 2022, ang nanunungkulan sa atin, mga taumbayan.

Ang boto ng bawat isa sa atin ay pagpapatunay na tayo, mga taumbayan, ang tunay na makapangyarihan sa ating bansa.

Ang pagboto ng ayon sa kalooban ng bawat isa ay mahalagang katibayan na tayo ay malaya.

Kaya, hinihimok ko ang bawat isa, sa Mayo 9, 2022, na pumunta sa mga kanya-kanyang nauukol na presinto at iboto ang nasa kaloobang mga kandidato.

Hinihimok ko rin ang bawat isa na huwag matakot o magpa-suhol, at ang tanging ilagay sa balota ay ang kung sinuman ang napupusuan.

Huwag nating kaligtaan na hindi na mauulit ang pagkakataong ito sa loob ng anim na taon, sa hanay ng mga pambansang opisyales, at tatlong taon naman, sa hanay ng mga lokal na opisyales.

Kaya kailangan isangtabi natin ang mga pansarili at hindi gaanong importante kadahilanan sa pagpili ng mga iboboto.

Bumuto ng mga kandidato na ang nasa isipan ay ang bayan at pangkalahatang pagsasalang-alang.

Maging makabayan sa pagpili ng mga iboboto sa darating na halalan. Hindi natin maasahan na maging makabayan ang ating mga pinuno kung tayo ay hindi rin makabayan.

Sa isang dako naman, isipin natin na pantay-pantay ang bilang ng boto ng bawat isa sa atin, kahit anuman ang katayuan sa buhay. Kaya, ipagdiwang natin ang pagkakataon na ito sa pamamagitan ng pagpili ng sinumang makakapaglingkod ng tapat sa nakakarami. Huwag nating ihalal ang mga kandidatong makasarili o mga sugo ng mapanlamang na layunin o interes.

Huwag din nating piliin ang kurap, abusado at magnanakaw. Alam na ng lahat na mulat na ang masang Pilipino. Huwag na tayo magpamanipula o magpaloko sa mga huwad na nagnanasang mamuno ng bayan. Sila ang dahilan ng lahat ng kahirapan natin.

Mabuhay ang Pilipino! Mabuhay ang Pilipinas.