Duterte

Malakanyang pumalag sa ‘fake news’ ni Digong na PBBM nagbenta ng gold reserves

Chona Yu Feb 24, 2025
16 Views

Hinamon ng Palasyo ng Malakanyang si dating Pangulong Rodrigo Duterte na maglabas ng ebidensya na ibinenta na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang gold reserve ng bansa.

Sa pulong balitaan sa Malakanyang, tinanong ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Attorney Claire Castro kung it oba ay isang campaign joke na naman ni Duterte.

“Okay. Hindi ba ito campaign joke ulit ni dating Pangulong Duterte? Hindi pa ba tayo nasanay doon sa jet ski promise niya? Na noong naniwala tayo halos sa mga sumuporta sa kaniya ay tinawag tayong “stupid”. So, kapag naniwala ba tayo ulit sa sinasabi niyang ito eh baka mapagkamalan niya tayo ulit at tawagin tayong stupid,” pahayag ni Castro.

Sinabi pa ni Castro na Oktober 2024, sinagot na ng Bangko Sentral ng PIlipinas ang naturang isyu.

Paliwanag ni Castro, regular na aktibidad ng BSP ang magbenta at bumili ng ginto para tumaas pa ang gross international reserves (GIR) ng bansa.

Sa ganitong paraan aniya, mapapanatili ang international stability at convertibility ng Philippine peso at matugunan ang net demand ng BSP para sa foreign currency.

Sa sandaling maibenta aniya ng BSP ang gold, mapupunta ito sa GIR at bilang patunay ay tumaas pa ito noong nakaaraang taon sa $106.3 billion kumpara sa $103.8 billion noong 2023.

“Sinabi rin ng BSP, hindi puwede silang mag-hold that much of a gold. Okay? Now, ang nakakapagtaka lang tayo, nagtataka lang tayo, bakit hindi ito alam ng dating Pangulo. Siguro bago siya magbigay ng ganitong klaseng intriga—mapapansin ninyo sa kaniyang mga statements, hindi naman detailed. Anong proof niya, again, as a lawyer. He is a lawyer. He became a fiscal, alam niya kung papaano magkuha ng ebidensiya ‘no to get the truth. Bakit sa kaniya, parang wala siyang ebidensiya, laging paintriga. All we want here is evidence. Ipakita niya kung si PBBM o ang Pangulo ang nag-utos para magbenta ng gold reserves,” pahayag ni Castro.

Matatandaan na nitong Sabado ay inihayag ni Duterte sa isang campaign rally sa Cebu na ang pamilya ni Marcos ang siyang nagnakaw at ibinenta ang gold ng Pilipinas.