Adiong House Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong

Martial Law sa ilalim ni PBBM ‘fake news’

17 Views

ISANG malaking “fake news” umano ang sinabi ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte na magdedeklara ng martial law si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ang pagtiyak na mapatatalsik si Vice President Sara Duterte sa puwesto ay upang manatili ito sa kapangyarihan.

Ito ang mariing pahayag ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union sa isang press conference noong Lunes.

“‘Yung pagdeklara ng martial law, fake news ulit. Hello, fake news, Mr. Fake News. ‘Wag naman puro fake news na lang lumalabas sa bunganga n’yo, palitan n’yo naman,” ayon sa kongresista.

Minaliit din ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang pahayag ni Duterte at sinabing may karapatan ang dating pangulo sa kanyang sariling opinyon, ngunit ang kaso laban sa Bise Presidente ay may matibay at legal na basehan.

“The former president is open naman, not really open, he’s entitled naman to have his own opinion. Lahat naman tayo may sariling interpretasyon sa lahat ng bagay. Of course, you cannot discount the fact that the Vice President is his daughter. So talagang sasabihin niya ‘yung whatever is possible reason that he may think behind itong impeachment,” saad ni Adiong.

Aniya, may 215 mambabatas sa Kamara ang nakakita ng sapat na batayan upang isampa ang kaso na nagpapatunay na seryoso ang mga paratang at walang kaugnayan ng pagmamaniobra sa politika.

“But the impeachment, if you go to the merits of the case, 215 complainants—members of this House—said that the VP deserves a day in court,” dagdag niya.

Ipinunto ni Adiong na ang mga kaso laban kay Duterte ay nakabatay sa umano’y maling paggamit ng confidential funds at mga pagbabanta sa matataas na opisyal, at hindi sa isyu ng pulitika.

“And ‘yung mga kaso naman n’ya, it’s not really connected to her partisanship or which party she belongs to. These are brought about by the allegations and violation of the joint circular when it comes to the utilization of the confidential fund,” saad pa nito.

“One of the articles of impeachment is brought about by the threats that she made publicly against the President, against the First Lady and the Speaker of the House, threatening their lives,” dagdag pa ng kongresista.

Hinikayat ni Adiong ang publiko na bigyang pansin ang mahahalagang usapin at huwag magpalinlang sa mga taktikang pampulitika na naglalayong ilihis ang pokus sa kaso.

“So, we should not divert from those real issues at hand. ‘Yun ang focus ng impeachment na ito,” aniya.

Muling iginiit ni Adiong na hindi dapat haluan ng electoral politics ang usapin ng constitutional accountability.

“Politika, darating naman ‘yan sa mga election. There are ways para resolbahin ang politika but this is already something beyond politics. This is about holding public officials accountable to their actions,” diin pa ni Adiong.