Calendar

Chinese nagoyo ng P10M; nanggoyong NBI ‘agent’ arestado
TIMBOG ang umano’y pekeng ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) na nakatangay ng P10 milyon mula sa isang Chinese national kapalit ng pangakong pagpapalaya sa 20 na nakakulong niyang kababayan sa Maynila.
Pumunta sa opisina ni Pasay Police chief P/Col. Samuel Pabonita si NBI Director Jaime Santiago para komprontahin si alyas Crisanto, 50, matapos madakip sa kanto ng Juan Luna at Hermosa Sts. sa Tondo noong Linggo.
Sa report, humingi ng tulong ang biktimang si alyas Chen, 38, sa kakilala niyang opisyal at ahente ng Bureau of Immigration (BI) para tulungan siyang humanap ng makakatulong sa kanya sa NBI dahil doon nakapiit ang 20 niyang kababayan na nahuli sa KTV bar sa Parañaque City ng mga ahente ng BI Anti-Cybercrime Unit.
Isang alyas Vincent ang tinawagan ng BI agent na kilala niya sa NBI subalit ang nakipagkita sa biktima sa isang restaurant sa Pasay City noong Pebrero 20 ng alas-2:30 ng hapon si alyas Crisanto na humingi ng P10 milyon para mapalaya ang 20 dayuhan.
Nang hindi mapalaya ang mga kababayan, nagreklamo sa Pasay Police Station ang biktima kaya’t inatasan ni Pabonita ang mga tauhan na tugisin ang suspek.
Nabawi sa suspek ang P1 milyong bahagi ng nakuha niya sa biktima, pati na ang binili niyang Ford Raptor noon lamang Pebrero 22.
Pinuri naman ni Southern Police District (SPD) District Director P/BGen. Manuel Abrugena ang mabilis na aksiyon ng Pasay City Police sa reklamo ng Chinese at sinampahan ng kasong estafa through swindling at usurpation of authority ng pulisya ang suspek sa Pasay City Prosecutor’s Office.