Sekyu

Nanghingi ng P35K para sa PDOS sked, tiklo

Jun I Legaspi Feb 25, 2025
13 Views

INARESTO ng mga miyembro ng Migrant Workers Operation Bureau (MWPB) ng Department of Migrant of Workers (DMW) at mga pulis noong Martes ang security guard na tumanggap ng pera kapalit ng pangakong appointment para sa Pre-Departure Orientation Seminar (PDOS) at mabilisang pag-release ng certificate nito.

Inaresto si alyas Wen, security guard ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na nakadestino sa Blas F. Ople Building sa Mandaluyong City.

Ayon sa report, nangangako ng mabilisang PDOS schedule kapalit ng P35,000 ang sekyu.

Mandatory seminar ang PDOS na kailangang pagdaanan ng mga first-time OFWs bago ma-deploy abroad. Libre itong ibinibigay sa mga OFWs.

Ayon sa dalawang biktima na taga-Calaca, Batangas, nagtungo sila sa DMW upang alamin kung paano makakapag-PDOS matapos ma-hire bilang mga direct hire OFWs kapalit ng kanilang kamag-anak na nagtatrabaho sa isang royal family sa Bahrain.

Nakipag-usap ang dalawa sa naarestong security guard na nag-alok ng tulong upang ayusin ang kanilang PDOS appointment sa halagang P35,000 bawat isa.

Dahil sa halagang hinihingi, nagduda ang mga biktima kaya kinuha nila ang contact number ng sekyu at nagtanong pa sa information center ng DMW.

Doon nila nalaman ang tamang proseso para sa kanilang nakuhang trabaho.

Nagpatuloy ang komunikasyon ng mga biktima sa sekyu hanggang maaresto ng mga awtoridad.

Kasalukuyang nahaharap ang sekyu sa kasong fixing ayon sa Section 21(h) ng The Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018 (Republic Act No. 11032) at estafa.