Calendar

Legarda naaalarma sa pagdami ng kaso ng dengue sa PH
NANAWAGAN si Senadora Loren Legarda sa mga lokal na pamahalaan at ahensya na magsagawa ng mga hakbang upang mapigilan ang patuloy na pagdami ng kaso ng dengue sa bansa, na binibigyang-diin ang kahalagahan ng tamang pamamahala sa basura at kaalaman sa kalikasan.
Si Legarda ay nagpahayag ng pag-aalala sa pagtaas ng kaso ng dengue ngayong taon kung saan ay napaulat na maraming lugar na sa ibat ibang parte sa Metro Manila at karatig lugar na mga probinsiya ang may mataas na bilang ng dengue outbreak na aniyay lubhang nakababahala.
“Tinatawagan natin ng pansin ang ating mga mamamayan, LGU, at mga landfill operator na gumawa ng mga hakbang na bawasan ang pagdami ng mga lamok sa pamamagitan ng paglilinis ng kani-kanilang lugar at masiguro ang tamang waste management,” aniya.
Binigyang-diin niya na ang naipong tubig sa maling pagtatapon ng basura ay maaaring maging pugad ng mga lamok, lalo na sa panahon ng tag-ulan. “Ang maling pagtatapon ng basura, lalo na sa tag-ulan, ay nagdudulot ng nakatiwangwang na tubig, at nagiging pamugaran ng mga lamok. Dapat malinis ang mga ito upang maiwasan ang outbreak,” dagdag niya.
Nanawagan din si Legarda sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na tiyakin ang tamang pagpapatupad ng Philippine Clean Water Act, na nagtatakda ng water quality management areas sa ilalim ng pangangasiwa ng mga lokal na pamahalaan. Iginiit niyang ang hindi tamang paghawak ng tubig ay maaaring magdulot ng mga sakit, kabilang ang dengue.
“Dapat maituro ang environmental education kung saan maintindihan ang mga batas at ang kalikasan mismo upang makagawa ng mga hakbang,” ani Legarda. “Dapat ipaalam sa mga Pilipino ang kanilang responsibilidad sa pag-aalaga sa kalikasan.”
Idineklara ng Quezon City ang dengue outbreak noong Pebrero 15 matapos umabot sa halos 1,800 ang kaso ngayong taon, isang pagtaas ng halos 200% mula noong 2024. Sa mga kasong ito, 10 ang naitalang nasawi, kung saan walo ay mga menor de edad.
Ayon sa Department of Health (DOH), may walong iba pang lugar sa Calabarzon, Central Luzon, at National Capital Region na maaaring magdeklara rin ng dengue outbreak dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso. Hanggang Pebrero 15, mahigit 43,000 kaso na ang naitala sa buong bansa, 56% na mas mataas kumpara noong nakaraang taon.