Pokwang awang-awa sa biktima ng scammers

Vinia Vivar Feb 26, 2025
16 Views

Ayaw talagang tigilan ng mga scammer si Pokwang kaya naman lumapit na siya sa Cybercrime Division ng National Bureau of Investigation (NBI) para ireklamo ang mga taong patuloy na ginagamit ang kanyang bahay sa panloloko.

Simula pa raw noong Disyembre ay ginagamit na umano ng mga scammer na ito ang mga larawan at lokasyon ng kanyang bahay sa Antipolo para makapag-engganyo ng booking sa mga nais magbakasyon.

Ilang beses na ring nilinaw ni Pokwang na isa itong scam at hindi niya pinarerentahan ang kanyang bahay, marami pa rin ang nabibiktima nito.

“Magaganda ‘yung mga pinopost niya sa account niya. Ikaw naman syempre,’O! Maganda ‘yung review.’ Siguro naman maengganyo ka talaga. Pero wala talagang ganoong resort,” sey ni Pokwang sa “24 Oras.”

Ayon pa kay Pokie, nakakaawa ang mga nabibiktima na nagbayad ng malaking halaga para sa fake staycation.

“Minsan sa loob ng isang araw, ang kumakatok na tao rito tatlo hanggang limang biktima, at karaniwang nakapag (downpayment) na. May P7,000, P5,000, P10,000. Sa isang linggo kumikita na siya ng mahigit P200,000,” saad ng komedyana.

“Natatakot ako para sa family ko. Inilagay mo sa risk ‘yung buhay ng pamilya ko kaya ‘di kita titigilan. Kakasuhan ko siya,” dagdag pa niya.

Nanawagan ang komedyana sa mga biktima na makipatulungan para maparusahan ang scammers.

“Magsama-sama tayo. Huwag natin titigilan hangga’t hindi nakukulong iyan,” aniya.