Hontiveros Source: File PNP-AKG photo

Sen. Risa nagbabala vs pabalik-balik na POGO workers

18 Views

NANAWAGAN si Senador Risa Hontiveros ng mas matinding pagsugpo sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), at nagbabala sa kanilang koneksyon sa organisadong krimen, human trafficking, at posibleng espiya ng mga dayuhan.

Sa Kapihan sa Senado forum, binanggit niya ang patuloy na operasyon ng mga iligal na POGO sa iba’t ibang anyo sa kabila ng opisyal na pagbabawal.

Bukod sa krimen sa pananalapi, binigyang-diin din ni Hontiveros ang posibilidad ng POGOs na maging kasangkapan ng espiya ng Tsina. Binanggit niya ang mga naarestong Chinese nationals na nahanap sa paligid ng mga kampo militar at pasilidad ng gobyerno.

Binigyang-diin ng senador na muling lumalakas ang mga krimeng may kaugnayan sa POGO, tulad ng panloloko sa pananalapi at kidnapping. Ipinunto niya ang mga bagong reklamo ukol sa pagdami muli ng scam messages, na nagpapahiwatig na ang dating mga operator ng POGO ay lumipat lamang ng ibang iligal na gawain.

Nagbabala siya na may ilang indibidwal na bumabalik sa Pilipinas sa ibang pagkakakilanlan matapos gumamit ng stopover sa ibang bansa.

“Lalo na kung yung stopover ay mga bansa tulad ng Cambodia na dati ng hub ng POGO at mula doon dito sila pumunta,” paliwanag niya.

Dagdag pa niya, may mga ulat na ang mga manggagawa ng POGO ay inilipat-lipat sa iba’t ibang lugar sa bansa upang maiwasan ang pagtugis.

“Yung mga dineport mula sa POGO hubs dito ay bumabalik lang naman. O kung hindi pa nakaalis dito, limbawa yung POGO hub sa Porac, Pampanga. Yung mga workers doon later nahanap sa POGO hub sa Cebu,” ani Hontiveros.

“Nakakabahala at nakakagalit talaga. Ang kakapal talaga ng mga mukha, ang tatapang talaga ng mga apog,” aniya.

Ipinaalala ng senador ang mga naunang imbestigasyon ng Senado na nagbunyag na ang ilang POGO hubs ay maaaring ginagamit bilang harapang operasyon para sa pangangalap ng impormasyon. Tinukoy niya ang kaso ni She Zhijiang, isang umaming espiya ng Tsina, at ang babala ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) ukol sa mga dayuhang ahente sa bansa.

Suportado ni Hontiveros ang panukala ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na palakasin ang batas laban sa espiya, lalo na’t hinihiling ng pambansang seguridad ng Tsina sa kanilang mga mamamayan at negosyo ang pagtutulungan sa intelligence operations.

“Sinusuportahan ko din yung panawagan ng NICA na i-update at palakasin yung ating anti-espionage law dahil yun ay originally para lamang sa times of war, pero peacetime, wala po,” aniya.

Binigyang-diin niya na hindi lang sa panahon ng digmaan ginagawa ang espiya, kundi pati sa sektor ng telekomunikasyon, enerhiya, at pagpapatupad ng batas.

“Hindi lang tuwing gera ginagawa ng ibang mga bansa. Kahit tulad ngayon, wala namang gera, wala namang hot war, pero patuloy yung pag-aresto ng ating law enforcement authorities sa mga dayuhang ito, mga Chino, na di umano nag-espya pala sa atin,” ani Hontiveros.

Dahil sa patuloy na panganib na dulot ng POGOs, iminungkahi ni Hontiveros ang isang pansamantalang moratoryo sa lahat ng online gambling operations habang sinusuri ng gobyerno ang lawak ng problema.

“I think a moratorium would be a very good option for the executive to consider… Kung hindi maka-catch up yung law enforcers sa pag-stamp out ng Pogos,” aniya.

Binatikos din niya ang mga butas sa kasalukuyang executive orders na nagpapahintulot sa POGOs na baguhin ang anyo ng kanilang operasyon upang maiwasan ang batas.

Samantala, kinumpirma ni Senate President Francis Chiz Escudero na nananatili ang pagbabawal sa POGOs, alinsunod sa pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address.

“Hindi namatay ang issue ng POGO dahil sa imbestigasyon sa Senado, minabuti ng Pangulo na i-ban ang POGO sa kanyang SONA nung nakaraang Hulyo,” aniya.

Gayunpaman, ipinunto ni Escudero na patuloy pa rin ang paglilinis ng mga awtoridad sa mga natitirang iligal na operasyon.

“Patuloy pa rin naglilinis ang kapulisan natin, PAOCC at NBI nung mga tira-tirang at naiwan pang POGO, sindikato man o operation man o nag-fly by night ng illegal na POGO,” dagdag niya.