Adiong

Rep. Adiong kinuwestyon hindi pagdalo ng BARMM officials sa pagdinig ng Kamara

75 Views

IGINIIT ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na may kapangyarihan ang Kamara de Representantes na imbestigahan ang paggamit ng pondo ng bayan, kasama ang pondong ibinigay sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ginawa ni Adiong ang pahayag matapos na hindi dumalo sa pagdinig ng House committee on public accounts kaugnay ng paggamit ng Local Government Support Fund (LGSF) ang mga opisyal ng BARMM.

Sa pagdinig ng komite noong Miyerkules, inaprubahan ang paglalabas ng show cause order (SCO) laban sa mga hindi dumalong opisyal ng BARMM.

Binigyang-diin niya na nananatili sa Kongreso ang pagsilip kung papaano ginastos ang inilaang badyet at hindi nagtatapos ang trabaho nito sa pagpasa ng General Appropriations Act (GAA).

“This committee has the jurisdiction to investigate and inquire on funds that are being used by our government entities, by any bureaucracy, whether it is national or regional or local,” ani Adiong.

Tinukoy niya ang Article 12, Section 13 ng Bangsamoro Organic Law (BOL) na nagkakaloob sa Kongreso ng eksklusibong kapangyarihang maglaan ng block grants sa BARMM, kaya’t mayroon din itong kapangyarihan na bantayan at suriin kung paano ginagamit ang mga pondong ito.

“The fact, Mr. Chair, that under Article 12, Section 13 of the Bangsamoro Organic Law which actually provides that the Congress has the sole power to grant Block Grants to the BARMM’s utilization would also prove that the power to grant also has the power to monitor,” dagdag pa niya.

Iginiit ng mga opisyal ng BARMM, na tumangging dumalo sa pagdinig, na walang hurisdiksyon ang komite sa rehiyon.

Ngunit tinutulan ito ni Adiong at sinabing ang kapangyarihan ng Kongreso na magsagawa ng mga imbestigasyong may kaugnayan sa paggawa ng batas ay itinatadhana ng 1987 Konstitusyon.

“The power of the purse of Congress does not end with the passage of the General Appropriations Act. It does not end there,” aniya, habang binibigyang-diin na sakop ng pangangasiwa ng Kongreso hindi lamang ang pag-apruba ng budget kundi pati na rin ang pagtiyak na ang pondo ng bayan ay nagagamit nang wasto.

Binigyang-diin din niya na may mandato ang Commission on Audit (COA) sa buong bansa, kabilang ang BARMM.

“There is only one COA in the whole of the Philippines. This is a constitutionally created commission. The powers of the COA cannot be devolved by the mere territorial jurisdiction. The function of COA is one and the same wherever you are in the Philippines,” aniya.

Dagdag pa rito, tinukoy ni Adiong ang Article 6 ng Konstitusyon na nagkakaloob sa Kongreso ng kapangyarihan na magsagawa ng mga pagsisiyasat bilang tulong sa paggawa ng batas.

Binanggit niya na ang tungkuling ito ay isang obligasyong hindi maaaring ipagwalang-bahala o iwasan.

“It is not only a responsibility: it is a mandate and authority granted to us by the Constitution,” aniya.

Muli niyang iginiit na ang pangangasiwa ng Kongreso ay “non-negotiable” at hindi maaaring isantabi.

“It is non-negotiable and it is not a subject of compromise, Mr. Chair,” diin ni Adiong.

Sa kabila ng hindi pagdalo ng mga opisyal ng BARMM, sinabi ni Adiong na ang pagsisiyasat na ito ay isang pagkakataon upang linawin ang saklaw ng pangangasiwa ng Kongreso sa pondo ng rehiyon at upang mapabuti ang koordinasyon sa hinaharap.

“This is also a way for this committee and the partners in BARMM to be really educated on how we can approach, in so far as the power to oversee, to monitor and to assess the utilization of public funds,” aniya.