Remulla DILG Sec. Jonvic Remulla

Kidnap syndicate sa pagdukot ng batang Tsino sa Taguig, pinalalansag ni PBBM

Chona Yu Feb 26, 2025
21 Views

INATASAN ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Philippine National Police (PNP) na tugisin ang sindikato na nasa likod sa pagdukot ng isang batang Chinese na estudyante sa Taguig City.

Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na sangkot sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) ang sindikato na dumukot sa 14-anyos na bata.

“We are definite na ang sindikato na nasa likod ng kidnapping ay former operators ng POGO din,” pahayag ni Remulla.

Matatandaang pinutulan ng daliri ang bata ng mga kidnapper.

Ayon kay Remulla, tukoy na ng PNP ang mga taong dumukot sa bata noong Pebrero 20.

“We know their members. We have knowledge kung saan sila nakatira, kung saan ang hideout nila. So, expect that in the next few days, magi-intensify kami ng drive para mahuli silang lahat,” pahayag ni Remulla.

Ayon kay Remulla, natagpuang patay na ang drayber ng bata sa San Rafael, Bulacan.

Nakuha sa drayber ang ilang gamit ng sindikato.

Nilinaw ni Remulla na walang ransom na ibinibayad ang pamilya ng biktima.

Natunton kasi aniya ng PNP ang kinaroroonan ng mga suspek kung kaya napilitan na iwan ang bata sa Paranaque City.

Sinabi pa ni Remulla na mga absent without leave (AWOL) na mga pulis at militar ang nagsisilbing bodyguards ng sindikato.

Sinabi naman ni PNP- Anti-Kidnapping Group Director Colonel Elmer Ragay na walong kaso na ng kidnapping ang naitala ngayong taon. Sa naturang bilang, limang kaso na ang naresolba habang tatlong kaso pa ang iniimbestigahan ngayon.

“We have already neutralized some of the members. Itong mga at large ang tinatrabaho natin. We would be filing the necessary cases to secure warrants of arrest,” pahayag ni Ragay.