Isko

Pagbabalik ng katatagan, kalinisan sa Maynila tiniyak ni Isko

Edd Reyes Feb 26, 2025
19 Views

TINIYAK ni Manila mayoralty candidate Isko Moreno Domagoso na ibabalik niya ang kalinisan at katatagan sa lungsod, tulad ng ginawa na niya noong siya pa ang alkalde.

Sa kanyang pagsasalita sa harap ng mga opisyal at miyembro ng Federation of Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII), ipinangako rin ni Domagoso na ibabalik ang kanyang programang tax amnesty at ang epektibong sistema ng pangangalap ng basura.

Sabi niya, nang umupo siya sa pwesto noong 2019, hindi lamang niya pinanatili ang dating bayad sa buwis, kundi ipinatupad din ang pinakamahabang tax amnesty sa kasaysayan ng Maynila.

“Ngayon nandito ako, hayaan niyo pong tiyakin sa inyo, para may kasiguraduhan, para kayo’y makapaghanda ng maayos patungkol sa inyong negosyo sa Lungsod ng Maynila, ito’y magpapatuloy sa susunod na limang taon sa Lungsod ng Maynila,” pahayag niya.

Binigyang-diin din niya na ang pagiging consistent niya sa mga mga panuntunan ng buwis ay magpapalago sa ekonomiya at magbibigay ng magandang kapaligiran para sa negosyo sa kabisera.

“Kung matatandaan niyo, nung ako’y umupo sa pwesto, nag-issue ako at hiniling ko sa Sangguniang Panlungsod, gumawa ng isang batas: ang pinakamahabang tax amnesty sa kasaysayan ng Maynila. ‘Yung anim na buwan na tax amnesty noong ako’y umupo noong Hulyo 1, 2019, at nangyari ’yung pinangako ko m hanggang ngayon, hindi pa rin nababago ang tax code ng Lungsod ng Maynila,” sabi niya.

Tumugon din siya sa panawagan ng mga residente at negosyante ng Maynila na ipagpatuloy ang kanyang matagumpay na kampanya sa kalinisan.

“Garantisado ko sa inyo, ‘yung nangyari sa simula, gagawin natin ulit, upang mapanatili ang kalinisan ng ating lungsod, ” pagtiyak ni Domagoso.