BI

98 Tsino nahuling nagtatrabaho sa iligal na POGO, ipinadeport

Jun I Legaspi Feb 26, 2025
16 Views

NAIPADEPORT ng Bureau of Immigration (BI) ang kabuuang 98 Chinese nationals matapos mahuling nagtatrabaho sa isang iligal na POGO kumpanya, alinsunod sa patuloy na kampanya ng gobyerno laban sa mga ilegal na offshore gaming operations.

Ito ay kasunod ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na wakasan ang mga operasyon ng POGO sa bansa bilang bahagi ng mas malawak na hakbang upang protektahan ang pambansang seguridad at sugpuin ang transnational crimes na konektado sa mga naturang establisyemento.

Inilipad ang mga deportees sa isang Philippine Airlines chartered flight patungong Xi’an, China noong gabi ng Pebrero 25.

Kabuuang 91 Chinese nationals ang kabilang sa 450 kataong inaresto noong Enero 8 sa isang commercial building sa Parañaque City, habang pito naman ang mula sa detention facility ng BI sa Bicutan, Taguig.

Ibinahagi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na ang chartered flight ay inorganisa ng Chinese Embassy bilang bahagi ng kanilang koordinadong hakbang upang mapabilis ang pagpapauwi ng mga dayuhang sangkot sa ilegal na POGO activities.

Mula noong Enero, mahigit 500 dayuhan na ang naaresto ng BI sa magkakahiwalay na operasyon sa Parañaque, Cavite, at Pasay City. Sa bilang na ito, 226 na ang naipa-deport.

Tiniyak ni Viado sa publiko na nananatiling pangunahing prayoridad ang mga deportation efforts.

“Patuloy kaming nakikipagtulungan sa aming partner agencies upang matiyak ang pinakamabilis na deportation hangga’t maaari,” ani Viado. “Malinaw ang mensahe na hindi magiging ligtas na taguan ang Pilipinas para sa mga ilegal na gawain.”

Bukod dito, 10 Vietnamese nationals din ang pina-deport sa parehong araw sa pamamagitan ng NAIA Terminal 1.

Muling pinagtibay ni Viado ang pangako ng BI na mapabilis ang pagpapauwi ng mga ilegal na dayuhang manggagawa, sa pagsasabing, “Patuloy kaming maghahanap ng paraan upang mas mapabilis pa ang proseso. Mas maaga silang umalis, mas mabuti para sa lahat.”