Press

BI inaalam kung may dayuhang sangkot sa pagkidnap, pagputol ng daliri ng 14 anyos

Edd Reyes Feb 27, 2025
17 Views

Press1KUMILOS na rin ang Bureau of Immigration (BI) sa kaso ng pagdukot sa 14-anyos na senior school student ng British School Manila (BSM) na pinutulan ng daliri ng mga kidnaper sa kabila ng pagbabayad umano ng ransom ng pamilya sa Taguig City.

Sa kanyang pagharap sa Meet the Press Weekly Forum ng National Press Club (NPC) Martes ng umaga, sinabi ni Dana Sandoval, tagapagsalita ng BI, na inaalam na nila ang kabuuan ng pangyayari upang malaman kung may sangkot na dayuhan sa naturang insidente.

Aminado si Sandoval na wala pa silang natatanggap na official report sa napaulat na nangyaring pagdukot sa batang biktima bagama’t mayroon na rin naman aniya silang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na kapulisan.

Sinabi ni Sandoval na kung sakali at lalabas sa opisyal na ulat ng mga awtoridad na nagsisiyasat sa insidente na may kinalaman sa operasyon ng Philiipine Offshore Gaming Operators (POGO) ang mga indibiduwal na sangkot sa pagdukot sa biktima, nagpapatunay lamang ito kung gaano kalaki ang perhuwisyo sa lipunan ng naturang industriya sa bansa.

Nauna ng napaulat ang ginawang pagkumpirma ng pamunuan ng BSM sa naganap na pagdukot sa biktima, kasama ang driver na maghahatid sana sa kanya sa paaralan noong Pebrero 20, sakay ng Starex Van sa McKinley East sa Bonifacio Global City (BGC) Taguig.

Humihingi umano ng $20 million US dollar ang mga kidnaper kapalit ng paglaya ng biktima na kanila pang kinuhanan ng video habang pinuputol ang kalahati ng kalingkingang daliri ng kanang kamay ng bata na naririnig pa ang pag-iyak dulot ng naranasang sakit.

Matapos umanong magbayad ng ransom, pinalaya rin ang biktima na may kuha pa ng larawan na may benda ang kanang kamay habang hindi pa rin natatagpuan ang kanyang driver sa kabila ng pagkakadiskubre sa van na inabandona sa hindi tinukoy na lugar sa lalawigan ng Bulacan.