Pribadong family life wish ni McCoy

Vinia Vivar Feb 27, 2025
16 Views

Naging emosyonal si McCoy de Leon nang ikwento kung paano napigilan ng anak na si Felise ang pagtatangka niya sa sariling buhay.

Ipinagtapat ng aktor ang madilim na bahagi na ito ng kanyang nakaraan sa one-on-one interview ni Ogie Diaz.

Ayon kay McCoy, ito ‘yung time na naghiwalay sila ng partner at ina ng anak niyang si Elisse Joson. Solo lang siyang nakatira sa condo that time.

“Du’n ako nasabihan na hindi ako naging mabuting partner. And that moment, nagkaroon ng okasyon – Christmas, New Year na ako lang mag-isa,” kwento ng aktor.

Inamin niya na dumating ang pagkakataon na nasa bintana na siya at gusto na niyang tapusin ang kanyang buhay.

“Nasa edge na ako ng window, and sabi ko, ‘ayoko na.’ Kasi ‘di ko maprotektahan ‘yung sarili ko din. Pa’no ko sasagipin ’yung sarili ko, kasi hindi ako nagsasalita nga. Kinimkim ko na alam kong may rason ako, eh. Pero hindi ako makapagsalita,” aniya.

“Ni-request ko lang na makita ko lang ‘yung picture ng anak ko. And after nu’n, nu’ng makita ko ‘yung picture ng anak ko, na-realize ko na from now on, kaya ko iko-continue ang life ko, para sa baby ko,” pagbabahagi ni McCoy.

Ang pumasok daw kasi sa isip niya ay paano ang kanyang baby na lalaking walang ama kung sakali.

“Ayaw ko siyang lumaki na walang tatay,” sabi ni McCoy na naging emosyonal na.

Dagdag pa niya, ang anak niya ang nagsisilbing lakas niya tuwing may pinagdadaanan siya.

“Every (time) na may pinagdadaanan ako, may problemang dumarating, siya lang lagi nakikita ko, nagiging okay ako,” aniya.

“Sobrang mahal ko ‘yung anak ko na ‘yun,” naluluha pa niyang wika.

Matatandaang naghiwalay ang McLisse noong 2023 pero nagkabalikan after a few months.

Ngayon ay okay na okay na sila pero sey ni McCoy, mas gusto na lang niya na maging private ang kanilang family life.