Malakanyang

Mas mahigpit na seguridad ipapatupad sa Malacanang

Chona Yu Feb 27, 2025
15 Views

MAS mahigpit na seguridad ang ipatutupad sa Palasyo ng Malakanyang.

Ito ay matapos maaresto ang mga espiya ng China na nagsasagawa ng surveillance activities sa Malakanyang, militar at sa pulis.

Ayon kay Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, nakaalarma ang pagkakaaresto saa mga Chinese spies.

“Nakakaalarma po talaga iyang balita na iyan, at pagpupursigihin pa po natin at paiigtingin po natin ang ating puwersa para po masugpo ang mga sinasabi at napagbibintangang spies,” pahayag ni Castro.

Sinabi pa ni Castro na hihigpitan na rin ang seguridad kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Dalawang Chinese at tatlong Filipino ang naaresto ng National Bureau Investigation (NBI) noong Pebrero 20.

Matatandaan na noong Enero, limang Chinese spies ang naaresto na nagsasagawa ng monitoring sa mga aktibidad ng Philippine Coast Guard at Philippine Navy sa Palawan pati na ang ginagawang resupply mission ng mga tropa ng pamahalaan sa West Philippine Sea.

Samantala, sinabi ni Castro na sinusuri na rin ni Pangulong Marcos ang pagbibigay ng citizenship sa Chinese na si Li Duan Wang dahil saa umano’y koneksyon nito sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).