Foreign Currency

Foreign currency na hindi idineklara nasabat sa NAIA

16 Views

NASABAT ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang mga foreign currency na hindi idineklara ng isang pasaherong papalabas ng Pilipinas sa NAIA Terminal 1 noong Pebrero 21, 2025.

Ang nakumpiskang pera ay binubuo ng 3,950,000 Japanese Yen (JPY), 20,000 Euro (EUR), at 8,500 Kuwaiti Dinar (KWD).

Nakita ng mga tauhan ng BOC ang mga pera sa pagdaan sa x-ray screening ng hand-carry baggage ng isang Pilipino na patungong Hong Kong. Sa isinagawang pisikal na inspeksyon, nakita ang bungkos ng foreign currency na hindi umano idineklara ng apsahero.

Ang pasahero ay nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 117, 1400, 1401, at 1403 ng Republic Act No. 10863 (Customs Modernization and Tariff Act), pati na rin ang Manual of Regulations on Foreign Exchange Transactions ng Bangko Sentral ng Pilipinas, Republic Act No. 7653 (The New Central Bank Act), at Section 4 ng Republic Act No. 9160 (Anti-Money Laundering Act).

Ang maigting na pagbabantay sa mga pantalan ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ipatupad ang National Anti-Money Laundering, Counter-Terrorism Financing, and Counter-Proliferation Financing Strategy (NACS) 2023–2027. ito ay nagpapakita umano ng dedikasyon ng gobyerno sa pagpapanatili ng integridad sa pananalapi at pambansang seguridad.

Ipinahayag ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio ang matatag na posisyon ng BOC sa pagpapatupad ng cross-border currency regulations.

“This apprehension further proves the crucial role of the Bureau of Customs in the recent exit of the Philippines in the Financial Action Task Force’s Grey List by continuously demonstrating the cross border declaration and security measures in place to prevent cash smuggling, contributing to the protection of the nation’s economic interest,” ani Commissioner Rubio.

Noong 2024, nakapagtala ang BOC-NAIA ng 158 insidente ng pagkumpiska sa hindi deklarado o maling deklaradong foreign currency— halos 2,000% pagtaas mula sa mga nahuling kaso noong 2023.

Mula Enero 2025 hanggang sa kasalukuyan, umabot na sa 28 ang bilang ng mga nahuli kaugnay ng foreign currency, bilang bahagi ng masigasig na kampanya ng BOC-NAIA laban sa iligal na pagdaloy ng pera sa bansa.

Patuloy ang BOC-NAIA, sa ilalim ng pamumuno ni District Collector Yasmin O. Mapa, sa pagsasagawa ng mandato nito upang tiyakin ang pagpapatupad ng customs laws at international financial regulations.