Robbery

3 pinaghihinalaang holdaper nasakote

Edd Reyes Feb 28, 2025
15 Views

Robbery1TATLONG armadong holdap suspek na nanloob sa restaurant ang natimbog ng mga pulis noong Miyerkules sa Paranaque City.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Manuel Abrugena ang mga nadakip na sina alyas Samrix, 32; alyas Jhoward, 24; at alyas Rowel, 26.

Kinilala ng mga biktima ang tatlo na nanloob sa kanilang restaurant sa Brgy. San Isidro dakong alas-3:41 ng madaling araw.

Ayon sa ulat, nagpanggap na mga customer ang tatlo bago tinutukan ng baril ang mga empleyado at kinuha ang P13,000 na kita ng restaurant.

Pagkatapos noon, pinapunta ang mga empleyado sa locker room at kinuha ang mobile phone ng isa sa biktima saka tumakas sakay ng motorsiklo patungong Baclaran.

Natunton ng mga tauhan ni Parañaque Police Chief P/Col. Melvin Montante ang mga suspek na nagresulta sa kanilang pagkakadakip.

Hindi nabawi sa mga suspek ang mga kinulimbat na pera at cellphone pero nasamsam ang ginamit na motorsiklo na walang plaka, isang kalibre .38 revolver, tatlong bala, isang granada at dalawang pen gun na kargado ng apat na bala ng kalibre .9mm.

Sinampahan na ng mga kasong robbery-holdup, paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, Illegal Possession of Explosives at Batas Pambansa Bilang 881 o ang Omnibus Election Code ang mga suspek sa Parañaque City Prosecutor’s Office.