Martin Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez

Pagpapababa ng presyo ng bigas iprayoridad

Mar Rodriguez Feb 28, 2025
71 Views

Speaker Romualdez sa mga kandidato sa eleksyon sa Mayo

NANAWAGAN si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa mga kandidato sa paparating na midterm elections 2025 na gawing prayoridad ang mga hakbang na magpapababa sa presyo ng bigas.

Iginiit ni Speaker Romualdez ang pangangailangan na maipagpatuloy ang mga pagsisikap upang makamit ang pangmatagalang solusyon.

Binigyang pagkilala rin ni Speaker Romualdez ang maagap na hakbang ng gobyerno, kabilang ang pagdeklara ng Department of Agriculture (DA) ng food security emergency, na nagbigay-daan sa pagpapalabas ng buffer stocks ng National Food Authority (NFA) upang patatagin ang presyo ng bigas at tiyakin ang abot-kayang suplay para sa mga mamimili.

Dagdag pa rito, itinakda ng DA ang pinakamataas na suggested retail price (SRP) na P49 kada kilo para sa imported rice simula Marso, habang ang NFA rice ay ibinebenta sa halagang P35 kada kilo upang matulungan ang mga low-income na mamimili.

Layunin ng mga hakbang na ito na pigilan ang “hindi pangkaraniwang” pagtaas ng presyo ng bigas sa bansa, sa kabila ng pagbaba ng gastos sa pandaigdigang merkado at mga buwis sa importasyon.

“Alam natin na ang bawat butil ng bigas ay mahalaga sa bawat pamilyang Pilipino. Nakikita natin ang mga positibong hakbang ng gobyerno, pero hindi pa tayo dapat makampante. Marami pa tayong kailangang gawin para matiyak na abot-kaya ang presyo ng bigas para sa lahat,” ayon kay Speaker Romualdez.

Hinikayat ng Speaker ang kanyang mga kapwa mambabatas at mga kandidato na direktang makipag-ugnayan sa kanilang mga nasasakupan upang suriin ang tunay na epekto ng mga polisiyang ito.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng aktwal na pagbisita sa mga komunidad upang matiyak na ramdam ng mamamayan ang benepisyo ng mga pambansang patakaran.

“Hindi sapat ang mga numero at ulat lamang. Kailangan nating bumaba sa ating mga distrito, makipag-usap sa mga magsasaka, tindera, at mamimili. Dapat nating itanong: May bigas pa bang naisasaing ang ating mga kababayan? Paano natin mapapababa ang presyo nang hindi nalulugi ang ating mga magsasaka?” dagdag pa ng pinuno ng Kamara de Representantes na binubuo ng 306 na kinatawan.

Ipinunto rin ng lider ng Kamara ang mahalagang papel ng quinta committee, o Murang Pagkain Supercommittee, sa pagsubaybay sa pagpapatupad ng food security emergency at pagtitiyak na epektibong natutugunan ang pangunahing dahilan ng mataas na presyo ng bigas.

Binigyang-diin niya ang pangangailangan ng tapat at maayos na pamamahagi ng suplay ng bigas, pati na rin ang responsableng paggamit ng pondo para sa programang ito.

“Kasangga ng Murang Pagkain Supercommittee ang lahat ng ahensya ng gobyernong nakatutok sa presyo ng bigas para siguruhing walang abuso, episyente ang pagpapatupad ng mga polisiya, at mabilis ang aksyon,” pagdidiin pa ni Speaker Romualdez.

Habang pansamantalang solusyon ang pag-angkat ng bigas upang punan ang kakulangan sa suplay, iginiit ni Speaker Romualdez na ang tunay na solusyon ay ang pagpapalakas ng lokal na produksyon upang matiyak ang pangmatagalang suplay ng bigas.

Ayon sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang average na farmgate price ng tuyong palay noong Enero 2025 ay P20.69 kada kilo, bahagyang bumaba mula sa P20.70 noong Disyembre.

Gayunpaman, ito ay mas mataas ng 17.69 porsyento kumpara sa P17.58 kada kilo noong Hunyo 2022, ang huling buwan ng nakaraang administrasyon.

“Batay sa mga pigurang ito, nakikita natin ang resulta ng balanseng pagtugon ng gobyerno—napapababa ang presyo ng bigas sa merkado, pero nasisigurong hindi nalulugi ang mga magsasaka.

May nagagawang tama na kailangang ipagpatuloy,” ayon pa kay Speaker Romualdez.

“Importante na may agarang solusyon, pero hindi natin pwedeng gawing habambuhay na sagot ang pag-angkat ng bigas. Kailangan nating tiyakin na habang pinapababa natin ang presyo para sa konsyumer, pinapalakas din natin ang produksyon ng lokal na palay. Hindi pwedeng isa lang ang makinabang—dapat sabay-sabay tayong umaangat,” dagdag pa ng kongresista.

Binanggit din ni Speaker Romualdez na nagsisimula nang magbunga ang mga pamumuhunan ng gobyerno, tulad ng mga inilaan mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF).

Gayunpaman, iginiit niya na hindi sapat ang pagbibigay lamang ng makinarya at pinansyal na suporta—dapat itong sabayan ng malawakang pagsasanay at siguradong access sa merkado para sa mga magsasaka.

“Ang pagbibigay ng makinarya at pondo ay simula pa lamang. Kailangan nating tiyakin na ang ating mga magsasaka ay may sapat na kaalaman at suporta upang magamit nang husto ang mga makabagong teknolohiyang ito. Dapat din nating siguraduhin na may merkado para sa kanilang ani upang hindi masayang ang kanilang pagsisikap,” saad pa nito.

“Malinaw ang ating misyon: hindi natin hahayaang bumagsak ang kita ng ating mga magsasaka, at hindi rin natin hahayaang magutom ang ating mamamayan. Kailangan natin ng balanseng diskarte, matibay na batas, at tunay na malasakit sa bawat Pilipino. Hindi ito madali, pero kung magtutulungan tayo, walang dahilan para hindi natin ito magawa,” ayon pa kay Speaker Romualdez.