Calendar

VP Sara hindi sumunod sa requirement ng COA na ilista pangalan ng mga tumanggap ng confidential funds
HINDI sinunod ng na-impeach na si Vice President Sara Duterte ang requirement ng Commission on Audit (COA) na isumite ang listahan ng mga binigyan nito ng P612.5 milyong confidential funds na inilaan sa Office of the Vice President (OVP) at sa Department of Education (DepEd) noong siya pa ang kalihim nito.
Ito ang pahayag ni Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union, bilang tugon sa sinabi ng dating COA Commissioner na si Heidi Mendoza na sa ilalim ng patakaran ng COA ay obligado ang Bise Presidente at iba pang pinuno ng ahensya na sumunod sa naturang requirement.
Ayon kay Ortega, hindi ito simpleng usapin ng pagkabigo kundi isang tahasang pagtanggi umano ni VP Duterte na sumunod, at maaaring ito ay dahil mayroon siyang itinatago diumano.
“Hindi naman sa hindi nagko-comply. Ayaw talaga nilang mag-comply. ‘Yan ang nakikita kong problema dyan. Siyempre kung may tinatago ka, magkakaproblema ka talaga dyan,” aniya.
“Alam naman po natin ‘yan kasi during the committee on good government na mga hearings, nasabi naman po ng COA lahat ‘yan. Kumbaga, subject to COA rules talaga lahat ‘yan at meron naman silang procedure sa mga ‘yan. So napakasimple, ayaw lang talaga nilang mag-comply. Bakit, may tinatago siguro sila,” dagdag niya.
Ang House committee on good government and public accountability, na pinamumunuan ni Manila Rep. Joel Chua, ay nagsagawa ng ilang pagdinig hinggil sa umano’y maling paggamit ng confidential funds ni VP Duterte.
Sinuportahan ni Chua ang pahayag ni Mendoza, na sinabing ang listahan ng mga benepisyaryo ng CIF o confidential/intelligence fund ay dapat isinumite sa COA sa loob ng isang selyadong sobre upang maprotektahan ang mga confidential informant.
“In fact, dito po sa mga tinatawag nating mga ginagamit po sa confidential fund na mga intel operators, ‘yung mga ginagamit po nilang mga pangalan, eto’y dapat nakalagay sa isang sealed envelope. May mga requirement po na isinaad ang COA. Dapat ito’y nakalagay sa isang sealed envelope at itong sealed envelope na ito nakalagay confidential at ito ay tinatago sa isang vault,” aniya.
“So bakit magkakaroon ng ganyang requirement kung hindi naman tunay na pangalan ang ilalagay? Kaya nga may mga protective measures na ganito dahil nga para maprotektahan ‘yung mga pangalan, ‘yung mga tao na ginamit dito sa intelligence gathering. So, kung ilalagay mo lang naman dyan mga pangalan na kagaya ng Mary Grace Piattos at kung anu-ano pa, so bakit pa maglalagay ng ganyang mga proteksyon ang ating COA,” dagdag niya.
Isa si Mary Grace Piattos sa daan-daang pekeng pangalan na ginamit umano ng OVP sa mga resibo ng kumpirmasyon na nagpapakita ng malalaking halagang natanggap umano ng kanilang mga informant.
Naglabas na rin ng sertipikasyon ang Philippine Statistics Authority (PSA) na nagsasabing walang birth o marriage record ang umano’y mga tumanggap ng pondo.
Dahil sa mga natuklasang ito, napagpasyahan ng komite na ang P612.5 milyong CIFs na natanggap ng OVP at DepEd sa ilalim ni VP Duterte ay ginamit umano sa maling paraan.
Tumanggi namang makipagtulungan ang Bise Presidente sa pagsisiyasat ng komite ni Chua.
Sa isang panayam sa telebisyon, sinabi ni Mendoza, “As head of the agency, it is there in the guidelines, you are to adopt internal controls that will protect the funds. This means if you have a list of aliases (of confidential informants), you must also keep a separate list of their real identities.”
“One of the controls as specified in the guidelines is keeping a journal that is subject to inspection by the COA or its representative, when questions are raised. Yes, it’s true an agency may write down only the aliases. But as a government official, first and foremost, your responsibility is to safeguard the people’s money,” dagdag niya.