Ortega

Pagsisimula ng paglilitis kay VP Duterte, nasa kamay ng liderato ng Senado – DML Ortega

15 Views

ANG liderato ng Senado ang magdedesisyon kung kailan sisimulan ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, kahit pa may mga senador na nasa labas ng bansa, walang interes o sadyang abala.

Ito ang iginiit ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union kasabay ng kanyang pahayag na nagampanan na ng Kamara de Representantes ang tungkulin nito alinsunod sa Konstitusyon matapos maisumite sa Articles of Impeachment sa Senado.

“It’s a leadership call talaga ‘yan eh. It’s a testament to the leadership and hindi ko nga makita ‘yung sarili ko na mangingialam sa proseso at kung paano nila pinapatakbo ‘yung diyan sa Senado. Hindi naman ako senador. So sabi ko nga napaka-simple nung sagot ko kasi
encompassing na po ‘yung sagot kaya same din po ‘yung line of answering ko diyan leadership call,” ani Ortega.

Tugon ito ni Ortega sa pahayag ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na hindi pa makapagdaos ng caucus ang Senado patungkol sa impeachment trial dahil sa wala ang ilan sa mga senador.

Ayon kay Escudero ang ilan sa kaniyang mga kasamahan ay nasa abroad habang may iba na walang interes na pag-usapan ang isyu sa ngayon.

“I’ve stated that during the last press con meeting, nasabi ko nga it is a leadership call. Sabi ko nga, pag nasa Senado po ang bola. So, it’s a leadership call,” sabi ni Ortega.

Ipinunto niya na bagama’t iba’t ibang opinyon na ang lumutang patungkol sa isyu ang desisyon ay nananatili sa hurisdiksyon ng Senado.

“I don’t want to comment sa mga iba’t-ibang opinyon kasi marami pong legal opinyon, marami pong personal opinyon, samo’t saring opinyon na ‘yung nalabas. Again, for me, it’s a leadership call,” dagdag niya.

Giit pa ni Ortega, hindi na dapat pagdebatehan ng mga mambabatas ang isyu dahil malinaw na nasa mataas na kapulungan na ang responsibilidad dito.

“Sabi nga po it’s really a leadership call. Nasa kanila na po yan, nasa kanila ang bola. Paulit-ulit ko nang sinasabi pati ng last statement ko, it’s really a leadership call,” diin niya

Samantala, binigyang halaga ni Manila Rep. Joel Chua, miyembro ng House prosecution panel, na ang impeachment trial ay usapin ng pananagutan partikular sa alegasyon ng maling paggamit ng pondo ng bayan.

“Tama po kayo. Dahil ang isyu dito ay accountability. Ang pinag-uusapan po dito ay hindi po naming pare-parehas pera, pera po ng taong-bayan. Kaya ito po talaga ay dapat binibigyan ng prayoridad ng ating mga mambabatas,” saad ni Chua

Mismong ang Saligang Batas ang nagbibigay mandato na dapat agad simulan ang impeachment trial.

“In fact, kung titingnan po natin sa ating Saligang Batas, kaya nga ginamit ‘yung mga salitang forthwith, di ba? Ito po’y mga naging issue – yung paano i-interpret itong forthwith. Ibig sabihin, agad-agad,” paliwanag niya

Paalala pa niya na ang Saligang Batas ay boses ng mamamayang Pilipino at ang direktiba para sa paglilitis ay mula sa kanila.

“Ito pong nag-uutos nito, hindi lamang ang Saligang Batas, bagkus ang author ng ating Saligang Batas kung hindi ang mga Filipino people,” aniya.

“Kaya nga makikita po ninyo sa ating Konstitusyon, pag binasa ninyo ‘yan, nakalagay sa preamble, ‘We, the Filipino people, imploring the aid of Almighty God,’ at makikita po natin dito na talagang author ng ating Saligang Batas ay ang taong-bayan. Wala na pong iba,” punto ni Chua.

Sa kabila naman ng pagka antala, nanindigan si Ortega na ang proseso ay dapat ipaubaya sa Senado.

“Leadership call. It’s very plain and very simple. It’s a leadership call,” sabi niya.

“So, kung hindi pa nagagawa ‘yung trabaho, eh hihintayin natin kasi diskarte nila ‘yan. Ganun lang kasimple, it’s a leadership call,” saad pa ni Ortega.