Chua Manila Rep. Joel Chua

Korte ang maaaring mag-utos kay VP Sara na ibalik mga pondong mali ang paggamit

21 Views

BAGAMAT pagtanggal sa puwesto at diskwalipikasyon sa paghawak ng posisyon sa gobyerno lamang ang maaaring ihatol ng Senate impeachment court, maaari pa rin umanong mahabol ang mga pondo ng gobyerno na mali ang paggamit kay Vice President Sara Duterte sa pamamagitan ng pagsasampa ng kaso rito sa korte.

Bilang tugon sa tanong ng media sa ginanap na online press conference, ipinaliwanag ni Manila Rep. Joel Chua—miyembro ng House prosecution panel—na habang limitado lang ang impeachment court sa dalawang parusa, ang hatol ay magbubukas ng pinto para sa mga kasong kriminal at administratibo na maaaring isampa laban kay Duterte sa iba pang mga lugar.

“Actually, ang sentensya po kasi sa impeachment complaint dalawa lang. Number one, removal at number two disqualification to hold public office. Now, ‘yan pong order na ‘yan ay pupuwede po’ yan sa ibang venue, sa korte po. Pagka once na-convict na po siya sa impeachment, pupuwede naman pong kasuhan sa Ombudsman ang ating Vice President dito po sa mga kasong ito,” tugon ni Chua, chairman ng House committee on good government.

Sinegundahan ito ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union at sinabing may mga legal na hakbang na maaaring gawin matapos ang conviction.

“Ah, nasagot na po ni Cong. Joel. Ganoon po talaga ‘yung track no’n,” ani Ortega.

Gayunman, aminado si Ortega na hindi pa rin masasabi kung ano ang magiging resulta ng paglilitis.

“So, ang sa akin naman po, wala eh waiting game eh. Mapre-predict ba ‘yung future? Malabo na kasi ‘yung crystal ball ko na ginamit ko noong quad comm eh, kaya kailangan na siguro ng bagong crystal ball para dito,” aniya.

Muling iginiit ni Chua na dalawa lang ang malinaw na parusang maaaring ipataw ng impeachment court.

“Sa atin po kasing Saligang Batas, dalawa lang ang magiging desisyon ng impeachment court,” aniya.

Kasabay nito, sinagot din ni Chua ang kaso laban kay Duterte kaugnay kay Mary Grace Piattos, na isa sa mga isyu na bahagi ng impeachment complaint.

Giit niya, mayroong matibay na ebidensya ukol dito kasama ang mga opisyal na dokumento.

“Solid ‘yung evidence natin. In fact, mayroon na rin tayong mga documentary evidence like ‘yung PSA report, so lahat naman ‘yan ay intact,” saad ni Chua.

Babala naman niya na ang pagkaantala sa paglilitis ay maaaring maka-apekto sa integridad ng mga ebidensya at seguridad ng mga testigo.

“But at the end of the day, siyempre habang tumatagal ‘yan, hindi natin malalaman at hindi natin masisiguro na walang mga pagbabago sa mga ‘yan,” babala niya.

Tinukoy niya ang psychological toll na makaaapekto sa mga testigo.

“Kaya nga lalong lalo na sa mga witness namin, siyempre habang tumatagal, lalong humahaba ‘yung anxiety, ‘yung fear,” sabi niya.

Binigyang diin niya ang kahalagahan na masimulan na agad ang impeachment trial.

“Kaya kami, hangga’t maaari, mas maganda masimulan na, nang sa gano’n matapos na rin ‘yung anxiety, at ‘yung fear at uncertainty ng mga testigo namin,” dagdag niya.