Chua1

Pag-antala sa impeachment trial ni VP Duterte posibleng magresulta sa pagkasira ng ebidensya, pananakot sa mga testigo

21 Views

NAGPAHAYAG ng pangamba ang isang miyembro ng 11-man House prosecution panel na ang patuloy na pagkaantala ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ay maaaring humantong sa panghihimasok o pagbabago sa mga ebidensya at pananakot sa mga testigo upang mapahina ang impeachment case.

Sa isang press briefing sa Kamara, tinanong si Manila Rep. Joel Chua kaugnay ng inilabas na timeline ni Senate President Francis “Chiz” Escudero, kung saan nakalagay na sisimulan ang impeachment trial ni VP Duterte sa Hunyo 2 at maaaring tumawid sa 20th Congress.

“Well, siyempre, nirerespeto po natin ‘yung ating Senate President but kami naman po kasi kaya namin gusto na itong impeachment ay masimulan na dahil alam din ninyo tinitingnan din po namin ‘yung mga ebidensya na nakalap namin ay ‘yung tampering of evidence, isa po ‘yan,” babala ni Chua.

Binigyang-diin din niya na ang matagal na proseso ay maaaring magdulot ng pangamba sa mga testigo at makahadlang sa kanilang pagsasalaysay.

“Pangalawa po, ‘yung mga testigo po natin siyempre alam po natin baka mamaya ‘pag tumatagal ay medyo ay marami po diyan ang matakot habang tumatagal po ang trial,” dagdag pa niya.

Naglabas si Escudero ng iminungkahing impeachment trial calendar, kung saan itinakdang muling magbubukas ang sesyon ng Senado sa Hunyo 2, magko-convene bilang impeachment court sa Hunyo 3, at magsisimula ang paglilitis sa Hulyo 30—halos limang buwan matapos ihain ng Kamara ang mga articles of impeachment.

Binigyang-diin ni Chua na nais ng House prosecutors na agad nang simulan ang paglilitis upang mapanatili ang integridad ng ebidensya at matiyak na ang mahahalagang testigo ay handang tumestigo.

“Kaya po gusto na rin po namin ito masimulan,” giit ni Chua.

Nang tanungin kung pormal na hihilingin ng Kamara sa Senado ang mas maagang petsa ng paglilitis, sinabi ni Chua na patuloy pa ang pag-uusap sa hanay ng prosecution panel.

“Well sa ngayon ang pupuwede po naming gawin ay makiusap. At the end of the day, siyempre nire-respeto po namin kung ano po ang pananaw ng mga senador lalo na po ng ating Senate President,” aniya.

Dagdag pa niya, maaaring ikonsidera ng prosecution panel ang pagsulat ng pormal na liham upang ipaalam sa Senado ang mga panganib ng pagkaantala sa paglilitis.

“Pag-uusapan po namin iyan ng mga kasama natin, bat ‘yun lang binanggit ko po ‘yan dahil ‘yan po ay isa sa mga kino-consider namin at ang mga worries po ng mga House prosecutors,” ayon kay Chua.

Nauna nang sinabi ni Escudero na maaaring hindi makapagpokus ang ilang senador sa impeachment trial dahil sa ibang gawain sa ibang bansa at kawalan ng interes sa pagdinig.

Iginiit naman ni Chua na ang impeachment ay isang konstitusyonal na tungkulin na hindi maaaring isantabi dahil lang sa personal na dahilan.

“Well naiintindihan po namin ‘yung concern ni Senate President but at the end of the day this is a constitutional mandate, ito po ay obligasyon na ipinataw po sa atin ng bayan,” ani Chua.

Binigyang-diin din niya na sa kabila ng nalalapit na halalan, nananatiling nakatuon ang mga miyembro ng House prosecution panel sa kanilang tungkulin sa impeachment process.

“Sa amin naman po kami naman po ay ginagampanan po namin ‘yung obligasyon din po namin ayon sa ating saligang batas,” dagdag niya.

Ipinunto rin ni Chua na tulad ng mga senador, may mga tungkulin din sa eleksyon ang mga House prosecutors, ngunit patuloy nilang tutuparin ang kanilang mandato sa ilalim ng Saligang Batas.

“Kami rin po meron din kaming mga kampanya na tinutugunan sa kanya-kanyang distrito pero at the end of the day, we have to do our job as mandated by the Constitution,” ani Chua.