Martin Speaker Ferdinand Martin Romualdez

Speaker Romualdez nanawagan ng pagkakaisa, malasakit sa kanyang mensahe ngayong Ramadan

Mar Rodriguez Mar 1, 2025
17 Views

IPINABATID ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang mainit at taos-pusong pagbati nito sa Muslim community sa pagsisimula ng banal na buwan ng Ramadan, kasabay ng pagbibigay diin nito sa pananampalataya, pagkakaisa at malasakit bilang gabay para sa lahat ng Pilipino.

“As we welcome the holy month of Ramadan, I extend my warmest greetings to our Muslim brothers and sisters across the country,” ani Speaker Romualdez, ang lider ng 306 miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Iginiit ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng Ramadan bilang panahon ng taimtim na pagninilay, panalangin at pagtitimpi—mga gawi na nagpapatibay ng pananampalataya at nagpapalakas ng pagkakaisa ng mga pamayanan.

“Ramadan is a time of deep reflection, prayer, and self-discipline—a sacred period that strengthens faith and brings communities together. It reminds us of the values that unite us as a people: faith, perseverance, compassion, and unity,” saad pa ni Speaker Romualdez.

Kinilala rin ng lider ng Kamara ang matibay na debosyon at dedikasyon ng mga Pilipinong Muslim sa panahong ito ng pananampalataya.

“Sa buwan ng Ramadan, lalo pang pinatitibay ng ating mga kapatid na Muslim ang kanilang pananampalataya sa Diyos, pagmamahal sa kapwa, at diwa ng pagbibigay. Ang kanilang pagsasakripisyo at taimtim na pananalangin ay isang inspirasyon sa ating lahat,” sabi niya.

Nanawagan si Speaker Romualdez sa lahat ng Pilipino na isabuhay ang mahahalagang aral ng Ramadan—pananampalataya, di makasariling pag-aalay at pagdamay sa kapwa—dahil ang mga birtud na ito ay makakatulong sa pagbuo ng isang mas mahabagin at makatarungang lipunan.

“Sa panahong ito ng banal na pag-aayuno at pananalangin, nawa’y ating pahalagahan ang diwa ng Ramadan—ang pagbabalik-loob sa Diyos, ang pagdamay sa nangangailangan, at ang pagtitiis na may pananampalataya,” aniya.

Binigyang-diin din ni Speaker Romualdez na ang kahalagahan ng pagiging bukas-palad—hindi lamang sa materyal na pagbibigay kundi pati sa pagtitimpi, pang-unawa at kabaitan sa kapwa.

“Ramadan also teaches us the virtue of generosity—not only in material giving but also in kindness, patience, and understanding. This is a lesson we can all embrace, regardless of faith, to build a society founded on compassion, justice, and mutual respect,” aniya.

Sa panahong may mga hamon sa pagkakaisa ng bansa, binigyang-diin ni Speaker Romualdez ang pangangailangan ng pagpili sa kapayapaan at pagkakasundo, na pinaghuhugutan ng inspirasyon mula sa paninindigan ng komunidad ng mga Muslim sa mga pagpapahalagang ito tuwing Ramadan.

“At a time when division threatens unity, let us choose to uplift one another, strengthen our communities, and promote peace—just as our Muslim brothers and sisters embody during this sacred month,” iginiit niya.

Hinikayat ni Speaker Romualdez ang lahat ng Pilipino na gawing pagkakataon ang Ramadan upang magbuklod at pagtibayin ang kanilang pinagsasaluhang pagpapahalaga sa kapayapaan, katarungan at pananampalataya.

“Sa diwa ng pagkakaisa at kapayapaan, nawa’y gamitin natin ang Ramadan bilang pagkakataon upang magbuklod bilang isang bayan. Magsilbing gabay nawa sa ating lahat ang pagpapahalaga sa kapayapaan, katarungan, at pananampalataya, at patuloy tayong magtulungan tungo sa mas maunlad at makatarungang lipunan para sa lahat,” aniya.

Bilang pagtatapos ng kanyang mensahe, ipinaabot ng pinuno ng Mababang Kapulungan ang kanyang taos-pusong pagbati sa komunidad ng mga Muslim.

“With this, I wish our Muslim brothers and sisters a blessed and spiritually fulfilling Ramadan. May this holy month bring you inner peace, renewed faith, and the boundless mercy of Allah,” sabi niya.