Khonghun

Senado pwedeng hindi nag-adjourn ng isumite Articles of Impeachment laban kay VP Duterte – AML Khonghun

20 Views

IGINIIT ni House Assistant Majority Leader Jay Khonghun ng Zambales na mayroong sapat pang oras ang Senado upang talakayin ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte noong Pebrero 5.

Paliwanag ni Khonghun, nag-adjourn ang Senado noong Pebrero 5 pero batay sa legislative calendar na inaprubahan ng Senado at Kamara de Representantes ay maaaring magsesyon hanggang Pebrero 7.

Ginawa ni Khonghun ang pahayag bilang tugon sa sinabi ni Sen. Cynthia Villar na nagsabing naipadala sa Senado ang impeachment complaint noong Pebrero 5, na huling araw umano ng sesyon.

Ipinaliwanag ni Khonghun na batay sa Concurrent Resolution No. 22, ang huling araw ng sesyon bago ang recess ay Pebrero 7.

“Pareho po ang legislative calendar ng Senado at Kamara – hanggang February 7 ang aming session. Pero hindi ibig sabihin na tapos na ang trabaho ng Kongreso noon. Ang malungkot lang, maaga silang nag-adjourn noong February 5 kaya hindi nila ito naaksyunan,” paglilinaw pa ni Khonghun.

Binigyang-diin niya na mabilis at ayon sa tamang proseso ang naging pagkilos ng Kamara de Representantes upang agad na maipadala sa Senado ang Articles of Impeachment.

“Maaga at maayos nating naipadala ang Articles of Impeachment, dumating sa Senado ang House Secretary General dala ang dokumento noong February 5 ng hapon. May pagkakataon po talagang talakayin,” dagdag ni Khonghun.

Iginiit din ni Khonghun na kahit wala sa sesyon ang Senado, dapat itong agarang umaksyon sa impeachment complaint bilang isang constitutional issue.

Nilinaw rin ni Khonghun na hindi siya naghahanap ng sisihan kundi nais lamang niyang maitama ang mga detalye ng pangyayari, lalo’t sinunod ng Kamara ang tamang proseso.

“Hindi tayo naghahanap ng sisihan, pero dapat malinaw ang nangyari. Sinunod ng House ang proseso, at itinakdang legislative calendar. Ang tanong: bakit hindi agad kumilos ang Senado?” tanong pa ni Khonghun.

Ipinunto ni Khonghun na nagampanan na ng Kamara ang tungkulin nito, at nasa Senado na ngayon ang responsibilidad na magsagawa ng impeachment trial.

“Ginampanan ng House ang tungkulin nito nang maayos. Nirerespeto natin ang Senado bilang impeachment court, pero nasa kanila na ang desisyon kung paano ito isusulong,” Khonghun said.

Samantala, pinuna rin ni Khonghun ang pagkakaantala ng impeachment trial bunsod ng panukalang schedule ni Senate President Francis Chiz Escudero, na itinakda ito sa Hulyo – ilang buwan matapos matanggap ang mga artikulo ng impeachment.

“The issuance of Special Order No. 2025-015 is a welcome move because it recognizes the Senate’s duty to hold an impeachment trial. Pero ang tanong, bakit kailangang patagalin? Hindi ba’t ang Saligang Batas mismo ang nagsasabing ‘forthwith’ dapat itong simulan?” aniya.

Babala pa ng kongresista na ang pagkaantala ng paglilitis ay maaaring magbigay-daan sa political maneuvering at mas lalong makabawas sa tiwala ng publiko sa proseso ng impeachment.

“Impeachment is about accountability. Delays only allow political interference. The Senate has a duty to act,” giit ni Khonghun.

Hinikayat niya ang Senado na kumilos nang mabilis at walang pinapanigan, dahil aniya, nararapat lamang na magkaroon ng patas at transparent na paglilitis para sa kapakanan ng taumbayan.

“The House has done its job. Now, it’s time for the Senate to prove that it respects the Constitution and values the Filipino people’s right to accountability. Huwag nating gawing pulitika ang isang napakahalagang proseso,” pagtatapos ni Khonghun.