Calendar

5 Tsino na sangkot sa KFR ng kababayan huli sa entrapment
LIMANG Chinese nationals na sangkot sa pagdukot at paghingi ng ransom sa babaing Chinese ang nadakip sa entrapment operation na isinagawa ng pulisya na nagresulta pa sa pagkamatay ng inosenteng rider Miyerkules ng madaling araw sa Pasay City.
Nalaman ng pulisya ang pagdukot nang magsumbong si alyas “Trixia” hinggil sa paghingi ng mga suspek ng P500,000 na ransom kapalit ng pagpapalaya sa kaibigan niyang si alyas “Fei” na kinidnap ng mga suspek at ikinulong sa Shore 2 Condominium sa MOA Complex.
Knatasan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director P/BGen. Anthony Aberin si Southern Police District (SPD) District Director P/BGen. Manuel Abrugena na pangasiwaan ang gagawing entrapment operation nina Pasay Police Chief P/Col. Joselito Sesto upang madakip ang mga suspek at mailigtas ang biktima.
Dakong alas-4:00 ng madaling araw nang makipagtipan si alyas Trixia sa mga suspek para kunwari’y magbabayad ng ransom malapit sa Ikea Moa Arena, habang nakasubaybay na ang kapulisan sa paligid.
Nang dumating ang mga suspek, sakay ng isang kotseng may plakang CCC-4553, kasama ang biktima, nakatunog sila na may mga pulis sa paligid kaya’t tinangkang tumakas at nahagip pa ang humarang na si P/Maj. Ralph Naval. Pinaputukan ni Naval ang gulong ng kotse kaya’t nadakip kaagad si alyas “Jian” at nailigtas ang biktimang si Fei.
Pinilit pa ring patakbuhin ng mga suspek ang kotse na dahilan para masalpok nila ang rider na si alyas “Julius’ na nasawi habang isinusugod sa San Juan De Dios Hospital. Dito na nadakip sina alyas “Bang” at alyas “Xin” habang nakatakas ang dalawa pa na si alyas “Niu” at alyas “Zhu” na kalaunan ay naaresto rin sa follow-up operation sa Shore 2 Condominium.
Nakuha sa mga suspek dalawang kalibre .38 revolver na may kargang tig-limang bala sa chambers at 152 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P761,000 habang inaalam pa ng pulisya kung kabilang ang mga suspek sa POGO officials na nagtatago sa batas.