MWP

MWP huli sa pananapak, panunutok ng baril, murder

Edd Reyes Mar 12, 2025
22 Views

DALAWANG warrant of arrest, kabilang ang kasong murder, ang isinilbi ng pulisya sa lalaking una ng nadakip dahil sa pananapak at panunutok ng baril sa isang lolo Martes ng hapon sa custodial facility ng Malabon Police Station.

Walang piyansang inirekomenda si Malabon Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Josie N. Rodil ng Branch 293 nang ilabas ang arrest warrant noong Mayo 27, 2022 laban kay alyas “Erron”, 33, dahil sa kasong murder habang may inilaan namang piyansa na P30,000 si Judge Maya Joy Panaga Guiyab-Camposanto ng Metropolitan Trial Court Branch 120 para naman sa kasong paglabag sa PD 1602 o illegal gambling laban sa akusado na inilabas noong Nobyembre 15, 2022.

Nauna ng dinakip ng mga tauhan ni Malabon Police Chief P/Col. Jay Baybayan si alyas Erron na unang nagpakilala bilang alyas “Jhon”, kasama ang kasabuwat na si alyas “Kym”, matapos sapakin at tutukan ng baril ang 66-anyos na si Lolo “Lauro” na nakiusap lang na ibalik ng dalawa ang inalis na takip ng kanal sa daraanan niyang eskinita.

Nakumpiska ng mga nagrespondeng miyembro ng Special Weapon and Tactics (SWAT) team sa mga suspek ang dalawang kalibre .45 baril na may tig-apat na bala sa magazine nang magreklamo ang biktima.

Nang dalhin sa presinto, itinago ni alyas Erron ang kanyang tunay na pangalan bunga ng pagiging wanted sa batas at nakatala ang kanyang tunay na pangalan bilang No. 2 Top Most Wanted Person sa National Capital Region (NCR).