bro marianito

Sumunod sa payo ng mga magulang

248 Views

Ang pagsuway sa kagustuhan, payo at aral ng ating magulang ang magbubulid sa atin sa kapahamakan. (Kawikaan 23:9-12)

“Huwag kang hihiwalay sa mabubuting aral. At pakinggan mong mabuti ang salita ng karunungan”. (Kawikaan 23:12)

MINSAN nakakuwentuhan ko ang dati kong kababata at nailahad niya sa akin ang mga naging kabiguan sa kaniyang buhay. Malungkot niyang ikinuwento ang kaniyang naging kapalaran.

Sinabi niya sa akin na nuong araw, noong kaniyang kabataan masyado siyang sutil o matigas ang kaniyang ulo, hindi siya sumusunod sa mga payo ng kaniyang magulang.

Sa halip, ang kaniyang sinusunod ay kung ano ang kaniyang maibigan. Sarado ang kaniyang mga tenga sa mga payo ng kaniyang Ama at Ina. Sapagkat ang pakiramdam niya noon.

Hanggang sa unti-unti na siyang malulong sa iba’t-ibang uri ng bisyo. Ang katuwiran niya kasi, mayroon siyang kalayaan gawin ang mga bagay na sa tingin niya ay magpapaligaya sa kaniya.

Sinubukan niyang suungin ang isang magulong buhay. Sa pamamagitan ng pagtikim ng mga masasamang bisyo na inakala niya nuong una ay magdudulot sa kaniya ng walang hanggang kaligayahan.

Subalit kalaunan, ito pala ang unti-unting maghuhulog sa kaniya sa kumunoy ng kapahamakan at pagkalubog sa kasalanan. Hanggang sa mapagtanto niyang napariwara na pala ang kaniyang buhay.

Napag-isip-isip niya na kung nakinig lamang siya sa payo ng kaniyang magulang ay hindi sana siya hahantong sa isang masalimuot na sitwasyon katulad ng kasalukuyang nararanasan niya ngayon.

Subalit para sa kaniya ay huli na ang lahat. Dahil sa kasalukuyan, nagdurusa siya sa loob ng bilangguan. Bilang resulta at kabayaran ng lahat ng kabuktutang itinanim niya noon. At ngayon ay kasalukuyan niyang inaani.

Wala na rin ang kaniyang mga magulang para muling magpayo at umalalay sa kaniya. Mag-isa na lamang niyang haharapin ang bunga ng maling desisyon niya sa buhay na nagpahamak lamang sa kaniya.

Ang pagsuway sa kagustuhan at payo ng ating magulang ay isang malinaw na indikasyon na hindi tayo natatakot sa ating Ama at Ina. At pagpapakita rin ito na hindi natin sila iginagalang.

Maituturing na ang pagsuway sa mga payo at aral ng ating magulang ay isang uri ng kamang-mangan. Sapagkat binabalewala natin ang kanilang aral na maaaring magluklok sa atin sa isang magadang buhay.

Matuto tayo sa ipinapayo ng Pagbasa mula sa Sulat ng Kawikaan (Kaw. 23:9-12) na maaaring ikapahamak ng sinoman ang “pagte-tengang kawali” o pagbi-bingihan sa mga payo ng ating magulang.

Sapagkat ang payo ng mga nakakatanda ay tinatawag na “golden rule” na magsisilbing giya o gabay natin patungo sa landas ng isang maayos at masaganang buhay.

Tandaan lamang natin ang itinuturo ng Aklat ng Kawikaan (Kaw. 1:8-9) na dinggin natin ang araw ng ating magulang at ito’y huwag natin ipagwalang bahala. Sapagkat ito ay parang isang korona sa ating ulo at kuwintas na may dalang karangalan.

“Anak ko, dinggin mo ang aral ng iyong Ama, at huwag ipagwalang-bahala ang turo ng yong Ina. Sapagkat ang mga iyon ay parang korona sa iyong ulo, parang kuwintas na may dalang karangalan”. (Kaw. 1:8-9)

Walang tao kailanman napahamak at napariwara matapos nilang sundin ang payo ng kanilang magulang. Subalit marami ang napahamak at nabulid sa masalimuot na sitwasyon matapos nilang suwayin ang payo ng kanila Ama at Ina.

“Disiplinahin mo ang bata. Ang wastong pagpalo ay hindi niya ikamamatay, inililigtas mo pa siya mula sa daigdig ng mga patay”. (Kaw. 13-14)

MANALANGIN TAYO:

Panginoon, tulungan mo po kami na matutong sumunod sa payo ng aming magulang upang huwag po kaming mapahamak at mapariwara. Nawa’y maikintal sa aming puso at isipan ang takot aming magulang para maging maayos ang takbo ng aming buhay.

AMEN