Maroons Matapos ang 36 taon, kampeon ulit ang UP sa UAAP men’s basketball. UAAP photo

Tamayo bagong Tower of Power ng UP

Theodore Jurado May 16, 2022
364 Views

NAGAGALAK si Carl Tamayo, ang bagong “Tower of Power” ng University of the Philippines, na maging bahagi ng kasaysayan na siyang pag-uusapan sa mga darating na taon.

Mula sa pagiging talunan, naghari na ulit ang Fighting Maroons sa UAAP men’s basketball tournament.

“Talagang walang bumitaw and then after 36 years, nakuha namin ang championship ulit para sa UP. Sobrang blessed kami. Sobrang binigay sa amin ni God ito,” sabi Tamayo.

Sinasaksihan ng maroon-clad faithful na kabilang si Eric Altamirano, na naging most outstanding player sa 1986 title series, winakasan ng UP ang tatlong taong paghahari ng Ateneo sa pamamagitan ng 72-69 overtime win sa harapan ng 15,132 fans sa Mall of Asia Arena Biyernes ng gabi.

Hindi masisidlan ang kaligayahan ni CJ Cansino, na ang kanyang pabandang tres sa huling bahagi ng regulation anh siyang nagpuwersa ng extra session, na maging bahagi ng winning side sa pagkakataong ito.

Sa kanyang UAAP debut noong 2019, naglaro si Cansino sa University of Santo Tomas, kung saan pumangalawa ang Growling Tigers sa likuran ng Blue Eagles team.

Nagbunga ang lahat ng pinaghirapan at sakripisyo na ginawa ng Maroons na nagmula pa sa training bubble.

“Kasi, grabe sila mag trabaho e, makikita mo na gustong gusto nila din talaga. At siyempre nung sinabi ni coach Gold (Monteverde) na if kaya mo, ikaw mag-decide,” sabi ng 22-anyos na si Cansino, na iniinda ang bone bruise sa kanyang kanang tuhod nitong huling dalawang linggo.

“Yung tiwala niya sa akin, sabi ko ita-try ko. Kaya sobrang saya ko, dahil iyun nga, kahit may injury ako nakatulong ako sa team,” aniya.

Sa kanyang huling taon para sa UP, ramdam si Ricci Rivero, na naunang nagwagi ng UAAP title para sa La Salle noong 2016, ang kanyang personal milestone.

“It’s such an honor to be part of this team, to be handled by Coach Gold (Monterverde) and the entire coaching staff and the people behind the team. Sobrang thank you sa inyo,” sabi ni Rivero.

“I’m just really blessed that I started my UAAP career as a champion and ended it as a champion as well,” dagdag ng 23-anyos na swingman.

Nag-bonfire ang Maroons noong 2014 matapos mawakasan ang 27-game losing streak.

Sa pagkakataong ito, isinelebra kahapon ng UP ang kanilang ikatlong kampeonato sa loob ng Diliman campus, tampok rin ang isang bonfire.