Calendar

Isko sa supporters: Iwasang ilagay posters ko sa mga bawal na lugar
PINAALALAHANAN ni Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang mga supporters niya iwasang maglagay ng kanyang campaign materials sa mga lugar na ipinagbabawal ng Commission on Election (Comelec).
Ayon kay Domagoso, malinaw sa ilalim ng Fair Election Act ang pagbabawal magkabit, magdikit, o magsabit ng tarpaulin, posters at iba pang campaign materials sa mga punongkahoy, poste ng kuryente at ilaw, footbridges, waiting sheds, kawad ng kuryente at sa mga public places tulad ng gusali ng pamahalaan at mga parks.
Hindi lang paglabag sa umiiral na batas ang pagdidikit ng posters sa mga nasabing lugar kundi nakakadagdag din ito sa maruming kapaligiran, lalo na sa Maynila na itinuturing na kapitolyo ng bansa.
“Sa ngayon po ba may nakikita kayong tarpaulin na nakalarawan ang aking mukha na nakasabit sa mga poste, nakapako sa mga puno at nakabitin sa mga kawad?
‘Yan din po ang bilin ko sa aking mga kasama, hindi dahil sa nais lang nating makasunod sa batas kundi para mabawasan man lang ang sobrang kalat sa Maynila,” pahayag ng dating alkalde.
Nauna ng binigyang-diin ni Domagoso na ang pagbabalik sa kalinisan at kaayusan ng Maynila ang bibigyan niya ng prayoridad sakaling mapamunuan muli ang lungsod.
“Nangadugyot ulit ang Maynila ngayon. Ang krimen natin, hindi pwedeng itanggi. Ang dami na namang holdapan.
Nakikita niyo ang R-10. Kita niyo ang Taft Avenue. Naaawa ako kasi tumino na ang Maynila, nilinis natin ito noon. Ngayon, bumalik na naman ang kadugyutan at takot sa lansangan,” sabi pa niya.