Chesser

Manila, Toledo chessers atake agad

Ed Andaya Mar 27, 2025
144 Views

TULAD ng inaasahan, kaagad nagpakitang gilas ang defending champion Manila Load Manna Knights at runner-up Toledo Trojans sa pagsisimula ng aksyon sa 2025 PCAP All-Filipino Conference chess team championships nitong nakalipas na weekend.

Pinayuko ng Manila, na pinangungunahan ni IM Paulo Bersamina, ang IIEE-PSME Quezon City Simba’s Tribe, 15.5-5.5, sa Northern Conference, habang pinadapa ng Toledo, na pinamumunuan ni GM Mark Paragua, ang ACAPI Misamis Occidental/TFCC LP Bamboo Knights, 20-1, sa Southern Conference upang mainit na ilunsad ang kanilang kampanya sa season-opening tournament na itinataguyod ng Professional Chess Association of the Philippines (PCAP).

Winalis nina Bersamina, IM Jan Emmanuel Garcia, IM Chito Garma at David Elorta ang kani-kanilang mga katunggali sa blitz at rapid matches upang pangunahan ang Manila sa prestihiyosong 16-team, two-division competition na sinusuportahan din ng San Miguel Corp. Ayala Land at PCWorx.

Iginupo ni Bersamina si NM Marlon Bernardino, 3-0; pinabagsak ni Garcia sina Francis Talaboc at Kristian Paulo Cristobal, 3-0; itinumba ni Garma si FM Efren Bagamasbad, 3-0; at binigo ni Elorta sina Cristobal at Talaboc, 3-0.

Gayunman, nakalusot sina Manilyn Cabungcag at Joseph Navarro laban kina Arvie Lozano at Genghis Imperial, para isalba ang kampanya ng Quezon City.

Sa Southern Conference, kaagad ding namayani ang Toledo laban sa Misamis Occidental.

Nagwagi sina Paragua, Ellan Asuela, Cherry Ann Mejia, Edgardo Garma, Allan Pasion, Kyle Sevillano at Bonn Rainauld Tibod kontra sa kanilang mga kalaban mula board one hanggang board seven sa blitz action.

Hindi naman na-shut out ang Misamis Occidental dahil nakatabla si Kylle Vincent Gamba kay veteran IM Rico Mascarinas sa kanilang rapid game.

Sa iba pang mga opening-day results, panalo din ang San Juan Predators laban sa Rizal Towers, 19-2, gayundin din ang Pasig King Pirates laban sa Isabela Knights of Alexander, 13-8, at AQ Prime Cavite Spartans laban sa Cagayan Kings, 16.5-4.5, sa Northern Conference.

Wagi din ang Camarines Eagles laban sa Zamboanga Sultans, 18-3; Bacolod Blitzers laban sa Iriga Oragons, 16-5; at Mindoro Tamaraws laban sa Iloilo Kisela Knights, 16.5-4.5, sa Southern Conference.

Ang PCAP, ang una at tanging professional chess league sa buong bansa, ay pinangungunahan nina President-Commissioner Atty. Paul Elauria, at Chairman Michael Angelo Chua.

Ang mga online games ay ginagawa tuwing Wednesday at Saturday.