Manny Pacquiao

Pangako, adhikain para sa mga OFWs muling iginiit ni Pacquiao

Mar Rodriguez Mar 28, 2025
34 Views

Manny PacquiaoMULING iginiit ni Pambansang Kamao at Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) senatorial candidate Manny “Pacman” Pacquiao ang kaniyang commitment at adhikain para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) upang mabigyan sila ng karampatang proteksiyon.

Sabi ni Pacquiao na ipagpapatuloy nito ang kaniyang pangako para matulungan ang libo-libong OFWs na nagsa-sakripisyo para sa kanilang pamilya kung saan binigyang diin nito ang mga naipasa niyang panukalang batas na ipagpapatuloy nito sa Senado.

Ayon sa dating senador, ang isa sa mahalagang panukalang batas na isinulong nito sa Senado ay ang “OFW Handbook” para matiyak na mabibigyan ng kaukulang proteksiyon ang mga Pilipinong migrante na itinuturing na mga “Bagong Bayani” ng ating bansa.

Pagdidiin pa ni Pacquiao na sakaling siya ay papalaring makabalik sa Senado ay sisikapin nitong isulong ang kaniyang adbokasiya at programa hindi lamang para sa mga OFWs bagkos para sa mga mahihirap na Pilipino sa pamamagitan ng “libreng pabahay program”.

“Sinimulan ko iyan sa tuwing ako ay mananalo sa boksing at iyan ang ating ipagpapatuloy sa Senado upang matiyak na maraming mahihirap na Pilipino ang mabibigyan ng disenteng tirahan,” sabi ni Pacquiao.

Kasabay nito, ikinalugod din ni Pacquiao ang naging desisyon ng Korte Suprema (SC) na ipawalang-bisa ang probisyon sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act (RA) No. 11199 o ang Social Security Act na nagpapataw ng “compulsory contribution” ng Social Security System payment para sa mga OFWs.

Paliwanag ng tinaguriang “The People’s Champ” na masyado ng mabigat na pasanin para sa mga OFWs ang paniningil ng nasabing bayarin o payment sapagkat hindi naman aniya lahat ng mga nagta-trabaho sa ibang bansa ay malaki ang kinikita.

Wika pa ni Pacquiao na ang sapilitang pagbabayad ng mga OFWs ay dagdag pabigat para sa kanila lalo na sa kanilang pag-alis patungo sa bansang pagta-trabahuhan nila.