MMDA

MMDA, Comelec bumira na ng Oplan Baklas

Edd Reyes Mar 28, 2025
38 Views

SINIMULAN na ng Commission on Election (Comelec) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang malawakang “Oplan Baklas” sa pagsisimula ng pangangampanya ng mga lokal na kandidato noong Biyernes sa Tondo, Manila.

Nandoon sina Comelec Chairman Atty. George Erwin Garcia at MMDA Chairman Atty. Don Artes sa baklasan ng mga campaign materials sa Nicolas Zamora St. na nakalagay sa mga bawal na lugar, wala sa tamang sukat at hindi pasado sa materyales na dapat gamitin sa ilalim ng RA No. 3571 at Comelec Resolution No. 11111.

Sinabi ni Garcia na padadalhan nila ng sulat ang mga kandidatong naglalagay ng kanilang posters, tarpaulin at iba pang campaign materials sa ipinagbabawal na lugar na baklasin na ang mga ito at kung hindi nila ito tutugunan sa loob ng tatlong araw, mag-iisyu na sila ng show-cause order.

Ayon naman kay Artes, nag-deploy sila ng mga tauhan mula sa Metro Parkways Clearing Group (MPCG) na tutulong sa Comelec sa pagbabaklas ng campaign materials at mga patalastas na lumalabag sa wastong sukat at hindi tamang lugar.

“We deployed more than 500 MMDA personnel to the 17 local government units of Metro Manila to take down those illegal campaign materials.

Also, as part of our coordination with Comelec, MMDA will intensify its Oplan Baklas operations to ensure compliance with election rules,” pahayag ni Artes.

Karamihan sa mga nabaklas mga tarpaulins, posters at iba pang election paraphernalias na nakasabit sa mga poste ng ilaw, mga puno, poste ng kuryente, mga tulay, footbridges, kawad ng kuryente at iba pang bawal na lugar.

Sinabi ni Garcia na lahat ng kanilang natanggal na campaign paraphernalia ibibigay sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) upang magamit ng mga preso sa pagre-recycle para gawing bag at iba pa na pwedeng ibentang items.