Baboy Source: Department of Agriculture

2M na baboy bawat taon tinarget ng DA

Cory Martinez Mar 28, 2025
38 Views

PAAABUTIN ng dalawang milyon kada taon ang populasyon ng baboy para maibalik ang pre-African Swine Fever (ASF) levels pagsapit ng 2028, ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

Ito ang tiniyak ng kalihim noong Huwebes sa harap ng mga swine industry stakeholders sa 31st National Hog Convention and Trade Exhibit sa Pasay City.

Nakapinsala sa industriya ng baboy ang ASF simula nang kumalat ito noong 2019 at nagresulta sa malaking kabawasan ng populasyon ng hanggang anim na milyon bago dumating ang sakit.

Ayon kay Tiu Laurel, ang potensiyal na commercial rollout ng ASF vaccine ngayong taon at ang pinansyal na suporta mula sa mungkahing Animal Industry Development and Competitiveness Act parehong makakatulong para mapabilis ang pagbangon ng industriya.

“Bago nagkaroon ng ASF, mayroon tayong halos 14 milyon na mga baboy. Ngayon mayroon na lamang tayong walong milyon.

Nagresulta ito ng 6 million deficit ng mga baboy. Sa lumalaking populasyon, mas mataas ang pangangailangan kumpara sa nakalipas na 14 million,” ani Tiu Laurel.

Inatasan ni Tiu Laurel si DA Undersecretary for Livestock Dante Palabrica na bumuo ng mga programa upang magsilbing gabay sa pagbangon ng swine industry na mahalaga sa seguridad ng pagkain at paglago ng ekonomiya.

Kumakatawan ang livestock at poultry sector sa ika-apat na bahagi ng produksiyon ng agrikultura sa bansa at nagbibigay ng kabuhayan sa 2.8 million na mga Pilipinong magsasaka.

Ang karne ng baboy at manok naman ang pinagkukunan ng protina ng mahigit kalahati ng populasyon ng mga Pilipino.

Sa ilalim ng mungkahing animal industry competitiveness and enhancement fund, tinatayang P4 billion ang ilalaan sa swine industry upang suportahan ang pagbangon at paglago ng industriya.

Kung maibabalik ng swine industry ang pre-ASF levels, mangangahuluan ito ng malaking kabawasan sa inaangkat na karne ng baboy na nagpapabagal sa lokal na produksyon.

“Mas gusto pa rin ng mga Pilipino ang sariwa at bagong katay na karne ng baboy,” anang kalihim.

Ayon pa kay Tiu Laurel, nakausap na niya ang dalawang malaking commercial hog producers at nangakong magbibigay ng dagdag na kalahating milyong ulo ng baboy simula sa susunod na taon.