nalunod

PNP nababahala, nagbabala sa pagdami ng kaso ng mga nalulunod

Alfred Dalizon Apr 3, 2025
21 Views

NANAWAGAN ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na mas lalong maging mapagbantay sa kani-kanilang pamilya kung sakaling magtutungo sila sa mga beaches at private at public swimming pools sa kabila ng pagdami ng drowning deaths o pagkalunod sa bansa.

Sa isang kalatas, sinabi ni PNP chief, General Rommel Francisco D. Marbil na dapat maging mas maingat ngayong summer vacation ang ating mga kababayan kasabay ng mga insidente ng pagkalunod.

Ayon sa opisyal, dapat na maging mas maingat ang publiko lalo na sa mga magplaplano na magtungo sa mga beach at iba pang recreational spots.

Ang paalala na ito ay kasunod ng mga ulat ng mga kaso ng pagkalunod na naitala ng PNP Directorate for Operations.

Noong 2023, nagtala ng 125 insidente ng pagkalunod habang 90 kaso naman ang naitala nitong nakalipas na 2024.

Ang pinakamataas na bilang ng mga kaso ay naitala ng Police Regional Office 4-A sa Calabarzon region na may 25 kaso, PRO1 sa Ilocos-Pangasinan region na may 23 at PRO10 sa Northern Mindanao na may 9 na insidente.

Dahil dito, mahigpit na pinaalalahanan ni Gen. Marbil sa mga Pilipino ang kahalagahan ng kaligtasan sa bawat isa.

“Lahat tayo gusto mag-enjoy ng bakasyon, pero ang kaligtasan ay dapat laging nauuna. Ang PNP ay narito para tiyakin ang seguridad sa pamamagitan ng mga tourist police na nakatalaga sa mga beach resorts at mga tourist spots. Ngunit, hindi natin dapat kalimutan na ang ating personal na kaligtasan ay nakasalalay din sa mga hakbang na ating ginagawa,” sinabi ng Hepe ng Pambansang Pulisya.

Bilang bahagi ng PNP LIGTAS SUMVAC o Summer Vacation 2025, ang PNP ay nakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at ibang mga law enforcement agencies upang mapalakas ang mga hakbang para sa kaligtasan, dagdagan ang pagpapatrolya, at magbigay ng mga advisories upang maiwasan ang mga aksidente.

Patuloy din na hinihikayat ng PNP ang publiko na maging alerto, maging aware sa kanilang paligid, at mag-ingat habang nag-eenjoy sa mga outdoor activities, ayon sa PNP chief.

Binanggit pa ni Gen. Marbil na ang presensya ng PNP ay ramdam sa mga high-traffic tourist destinations, partikular na sa mga dalampasigan kung saan nagtitipon ang mga bakasyunista.
Ngunit, pinaalalahanan pa rin niya ang lahat na maging responsable at isaisip ang kaligtasan hindi lang sa tubig kundi sa lahat ng mga aktibidad sa bakasyon.

“Gusto namin na lahat ay mag-enjoy ng holiday season, pero mahalaga na seryosohin natin ang kaligtasan. Nasa beach man o sa anumang pampublikong lugar, tiyakin natin na nagmamasid tayo sa isa’t isa at sumusunod sa mga safety guidelines,” yon sa opisyal.

Ang pahayag ng PNP ay alinsunod din sa gabay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na patuloy na pinapahalagahan ang kapayapaan at kaayusan sa buong bansa, lalo na sa mga panahon ng mataas na aktibidad tulad ng mga summer holidays. Ang pagtutok ng Pangulo sa seguridad ay tinitiyak na ang mga mamamayan ay makakaranas ng isang masaya at ligtas na bakasyon.

Habang ang mga pamilya ay nagsisimula nang magtungo sa kanilang mga destinasyon para sa bakasyon, patuloy ang PNP sa pagtutok para tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng bawat Pilipino, ayon kay PNP Public Information Office chief, Colonel Randulf T. Tuaño.

Hinihikayat ng kapulisan ang lahat na mag-enjoy ng summer, pero laging isaisip ang kaligtasan, dagdag pa niya.