Cacdac

Cacdac kinumpirma: 17 OFW sa Qatar pansamantalang pinalaya

Jun I Legaspi Apr 3, 2025
39 Views

KINUMPIRMA ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac ang pansamantalang pagpapalaya ng 17 OFWs habang isinasagawa ang imbestigasyon ng mga awtoridad ng Qatar.

Wala pang kasong isinampa laban sa kanila, ngunit ang mga 17 OFWs ay patuloy na iniimbestigahan kaugnay ng ilegal na pagtitipon at pagkakaroon ng pagtitipon nang walang kaukulang permit.

Ang mga ganitong paglabag ay maaaring magresulta sa pagkakakulong ng 6 na buwan hanggang 3 taon at multang 10,000 hanggang 50,000 Qatari riyals.

“Napakalaking pasasalamat po namin sa mga awtoridad ng Qatar at sa gobyerno ng Qatar sa pagpayag nilang pansamantalang palayain ang 17 OFWs habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. At tulad ng iniutos ng Pangulo, patuloy pong bibigyan ng legal at pangangalaga sa kapakanan ang 17 OFWs,” pahayag ni Cacdac.

Tiniyak din ng Kalihim na patuloy na bibigyan ng legal na tulong ang mga OFWs habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, pati na rin ng tulong pangkalusugan at kapakanan upang masiguro na sila’y nasa mabuting kalusugan.

“Sa ngayon, binibigyan sila ng pagkakataon na magpahinga, makipag-usap, at makipag-ugnayan sa kanilang mga pamilya. Ngunit sa tamang panahon, makikipagkita sa kanila si Ambassador Mardomel Celo Melicor at Labor Attaché Edward Ferrer upang ihanda ang pinakamahusay na legal na depensa,” dagdag ni Cacdac.

Samantala, nagbigay paalala ang Kalihim sa mga OFWs sa iba’t ibang panig ng mundo na igalang at sundin ang mga batas, regulasyon, at mga proseso ng kanilang mga host country.

“Paalala po sa ating mga kababayan na sundin ang batas ng host countries. Maaaring sa Qatar, aresto ang kinaratnan. Ngunit tandaan po, hindi kailangang may pag-aresto para sumunod sa batas,” mensahe ni Cacdac.

Ang Migrant Workers Office (MWO) sa Doha, kasama ng Philippine Embassy, ay patuloy na magbibigay ng lahat ng kinakailangang tulong sa mga OFWs, partikular sa pagpapanatili ng kanilang mga trabaho.

“Ang mensaheng ito ay pagpapakita ng malasakit sa ating mga kababayan, sa ating mga OFWs. Iyon po ang unang layunin ng Pangulo. Lagi po niyang pinaaalalahanan kami tungkol sa pangangalaga ng ating mga OFWs, lalo na sa panahon ng kanilang pangangailangan,” pagtatapos ni Cacdac.