Calendar

Emergency sa Taiwan pinaghandaan ng DMW, MECO
TINIYAK ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo J. Cacdac na handa ang kagawaran, katuwang si MECO Chairperson at Resident Representative Cheloy Garafil, na isakatuparan ang contingency plan sakaling magkaroon ng anumang emerhensya sa Taiwan.
Ayon kay Cacdac, mahigpit ang koordinasyon ng DMW sa Manila Economic and Cultural Office (MECO) at sa Migrant Workers Offices (MWOs) sa Taiwan upang masubaybayan ang sitwasyon.
Nagpaabot rin siya ng pasasalamat kay MECO Chairperson Garafil para sa kanyang pamumuno at sa pagbibigay ng katiyakan sa kaligtasan at kapakanan ng mga overseas Filipino workers (OFWs) katuwang ang mga awtoridad ng Taiwan.
“Nanatiling alerto at handa ang DMW upang tiyakin ang seguridad at proteksyon ng ating mga kababayan sa ibang bansa,” ani Cacdac.
Hinimok din ng kalihim ang mga OFW at kanilang mga pamilya na manatiling kalmado at kumuha lamang ng impormasyon mula sa mga opisyal na channel ng pamahalaan.
“Tiwala kayo na ang pamahalaan ng Pilipinas ay patuloy na naglilingkod para sa inyong kapakanan at kaligtasan,” dagdag pa ni Cacdac.