Calendar

Malinaw ang Saligang Batas: Forthwith o dapat agad ang impeachment trial
KINONTRA ni House committee on overseas workers affairs chairman Jude Acidre ng Tingog Party-list ang pahayag na malabo ang nakasaad na “forthwith” sa Konstitusyon kaugnay ng pagtrato sa impeachment case.
Para kay Acidre, malinaw na ang ibig sabihin ng “forthwith” ay agad-agad.
Ginawa ni Acidre ang pahayag kasunod ng sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na ang salitang “forthwith” ay dapat ginawa na lamang “immediately” upang malinaw na dapat agad na aksyunan ng Senado ang mga impeachment case na ihahain ng Kamara de Representantes.
Sa isang Zoom press conference, iginiit ni Acidre, na siya ring House Majority Leader, na malinaw ang wika ng Konstitusyon at walang kalabuan.
“Well sa totoo lang ho, nasa Konstitusyon at klarong-klaro po ang paggamit ng salitang forthwith ano?” ani Acidre.
Itinuro niya na ang kahulugan ng “forthwith” ay madaling maunawaan at malinaw. “Nakikita naman natin sa diksyunaryo kung ano ibig sabihin noon,” dagdag pa ni Acidre, na tinutulan ang mungkahi na ang wika ng Konstitusyon ang dahilan ng pagkaantala sa proseso.
Binigyang-diin ni Acidre ang kanyang paggalang kay Escudero ngunit kinuwestiyon ang kahulugan ng mga pahayag nito.
“Malaki po ang ating paggalang kay Senate President Chiz Escudero at unless he is suggesting na ang pinakamainam dito ay muli nating balangkasin ang ating Konstitusyon, wala ho na siguro akong masasabi kasi napakalinaw naman ho ng nakasaad sa Konstitusyon,” dagdag pa niya.
Binanggit din niyang hindi tama na isisi sa wika ng Konstitusyon ang umano’y pagkaantala ng pagko-convene ng Senado para sa impeachment trial.
“Mahirap po na ‘yun po ang naging dahilan, ‘yung sasabihing hindi naging malinaw,” ani Acidre.
“Kung sa aming pananaw po ay napakalinaw naman po ng ibig sabihin ng talata at ng wording sa Constitution,” dagdag niya.
Nauna nang sinabi ni Escudero na ang paggamit ng “forthwith” sa Konstitusyon ay maaaring nagbigay ng puwang sa interpretasyon o pagkaantala, at na ang paggamit ng “immediately” ay sana’y mas nagbigay-diin sa kinakailangang agarang aksyon ng Senado.
Ngunit nanindigan si Acidre na hindi na kailangan ang ganoong interpretasyon at ito ay maaaring makasira pa sa pagiging malinaw ng batas.
Aniya, dapat basahin ang Konstitusyon nang may mabuting intensyon at unawain ito ayon sa karaniwang kahulugan ng mga salita nito.