Fighter

Pagbili ng F-16 fighter jets magpapalakas sa kakayanang pangdepensa ng Pilipinas – DML Ortega

23 Views

MAPAPALAKAS umano ng pagbili ng Pilipinas ng 20 unit ng F-16 fighter jet ang kakayanan nito na madepensahan ang teritoryo ng bansa, ayon kay House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union.

“Sabi ko nga ‘yung ginagawa na modernization is geared towards defense. Kahit sinong bansa, kailangan may kakayahan na ipaglaban o ipagtanggol yung kanyang sarili. Again, it’s a step in the right direction,” sinabi ni Ortega sa isang press conference nitong Lunes.

Ayon kay Ortega, maaaring hindi pa sapat sa ngayon ang pondo para sa ganap na modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ngunit unti-unti itong isinasakatuparan.

“Alam ko na hindi pa enough ang pondo natin but paunti-unti at least we are modernizing. So we have the chance to better our defense and we have the chance na ang AFP natin is mabigyan sila ng kaukulan na pondo para magamit sa pagprotekta ng ating bansa,” dagdag pa niya.

Sinabi pa ni Ortega na ang mungkahing pagbili ng F-16 fighter jets mula sa Estados Unidos ay isang positibong hakbang.

Binigyang-diin niyang ang layunin nito ay purong pang-depensa at hindi para sa anumang opensibong aktibidad.

Nagbigay si Ortega ng paghahambing sa pagitan ng pangangailangan ng isang bansa na palakasin ang depensa at ng isang maybahay na kailangang protektahan ang kanyang tahanan.

“Kasi nga ang bahay mo naman, hindi puwedeng walang bantay. Hindi puwedeng pasukin na lang ng kung sino-sino. Eh kahit siguro sino sa atin ‘pag pinasok naman tayo kailangan na ma-defend natin ‘yung sarili nating bahay,” ani Ortega.

Inaprubahan na ng gobyerno ng Estados Unidos ang pagbebenta ng F-16 aircraft na nagkakahalaga ng $5.58 bilyon sa Pilipinas upang mapalakas ang kakayahan ng isang “strategic partner.”

Sa pag-anunsyo ng pag-apruba, inilarawan ng State Department ang Pilipinas bilang “an important force for political stability” sa Southeast Asia.

Sinabi rin nito na ang pagbili ng F-16 ay makatutulong sa “the Philippine Air Force’s ability to conduct maritime domain awareness and close air support missions and enhance its suppression of enemy air defences.”

“The proposed sale of this equipment and support will not alter the basic military balance in the region,” dagdag pa ni Ortega.