Sara Vice President Sara Duterte

DML Ortega kay VP Sara: Welcome back, ma’am

20 Views

PINAYUHAN ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union si Vice President Sara Duterte na pagtuunan ng pansin at paghandaan ang nalalapit nitong Senate impeachment trial.

“Welcome back po to our VP…Siyempre maganda nakabalik siya kasi nga paghahandaan na itong [trial sa] mga susunod na buwan. In terms of ‘yung biyahe niya, personal trip naman kasi talaga ‘yun at naiintindihan po namin. So welcome back po, ma’am,” ani Ortega sa isang pulong balitaan nitong Lunes.

Balik-bansa na si VP Duterte na nanatili ng halos isang buwan sa The Hague, Netherlands, kung saan nakakulong ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo R. Duterte kaugnay ng kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).

Sabi ni Ortega, kailangan na pagtuunan ng na-impeach na si VP Duterte ang kanyang paglilitis at mailatag ang kanyang depensa sa mga alegasyon laban sa kanya.

“Well, I guess she should be prepared. Kasi when we were doing the hearings, parang they were actually asserting na mag-impeachment na lang, ‘di ba. Para sa korte pagdebatehan, sa korte ilatag ‘yung mga ebidensya. So I think they should be,” sabi ni Ortega.

Aniya, hindi pa rin malinaw na ipinapaliwanag ni VP Duterte ang mga isyung ibinabato sa kanya kabilang na ang umano’y maling paggamit sa P612.5 milyong confidential fund at ang mga kuwestyunableng pangalan na walang rekord sa Philippine Statistics Authority (PSA) na pinagbigyan ng naturang pondo.

“Well…sa briefings, sa hearings, wala naman pong napaliwanag, wala naman pong maayos na pagsagot, kasi nga parang evasive sila sa issues na ‘yun eh… At sabi ko nga meron na pong impeachment…hindi na nila hindi pwedeng sagutin ‘yang mga tanong na ‘yan,” dagdag ng mambabatas.

Punto ni Ortega, kung sinunod lang ng tanggapan ni VP Duterte ang panuntunan sa paggamit ng confidential funds ay madali aniyang malalaman kung saan napunta ang kabuuang P612.5 milyong pondo.

“Ang point lang naman natin pera ng taong-bayan ‘yan…pero sabi ko nga, ang dali lang ipaliwanag ‘yan. Napakasimple naman po, susundin lang ‘yung guidelines. May paraan po diyan sa paggamit ng confidential funds, meron pong dapat sundin tungkol diyan. Eh no’ng hearing pa lang dapat napaliwanag na nila ‘yan,” giit niya.

Hanggang ngayon, ayon sa House leader, ay hindi pa rin nagbibigay ng klarong paliwanag si VP Duterte kung paano ginamit ang napakalaking halaga ng confidential fund.

“Hanggang ngayon wala pa pong sagot. Kaya nga sabi ko, sa impeachment na rin siguro magkakaroon ng mas klaro na kasagutan tungkol dito. Pero right now, sabi ko maganda rin po makita ‘yung anggulo ng mga tao na merong pangalan at meron pong pagkatao at may requirements po from the PSA. At siyempre itong mga tao maganda rin pong malaman kung nakatanggap nga po ba sila o hindi,” saad pa ni Ortega.