Ortega4 La Union Rep. Paolo Ortega V

Desisyon sa pag-uwi ni DU30 nasa ICC

19 Views

ANG International Criminal Court (ICC) ang magdedesisyon kung papayagang umuwi si dating Pangulong Rodrigo Duterte na nakakulong sa The Hague, Netherlands, kaugnay ng kinakaharap nitong crimes against humanity.

Ito ang sinabi ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union nang tanungin kaugnay ng sinabi umano ng dating pangulo na matanda na ito at kung mamamatay ay nais nito na siya ay nasa Pilipinas.

“Kailangan po tapusin ‘yung paglilitis. Hangga’t hindi po nadedesisyunan at wala pong hatol ‘yung korte hindi naman po natin pwedeng… nasa korte po talaga ‘yan,” paliwanag ni Ortega sa ginanap na press conference sa Kamara nitong Lunes.

Sinabi ni Vice President Sara Duterte na nais nang umuwi ng kanyang ama, na halos isang buwan pa lamang nakapiit sa ICC detention facility.

Sinabi ni Ortega na bagama’t maraming tao ang nagnanais na makabalik si Duterte, tanging ang ICC ang makakapagdesisyon nito.

“It’s up to the courts. They will decide if when o kailan na maaaring makauwi ang dating Pangulo,” ani Ortega.

Inaresto ang dating pangulo noong Marso 11 batay sa isang warrant mula sa ICC para sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng kanyang war on drugs.

Pagkatapos ng kanyang pagkaka-aresto, siya ay dinala sa The Hague kung saan siya ay kasalukuyang nakakulong habang naghahanda ang ICC para sa paglilitis. Ang kaso ay kaugnay ng mga kaso ng extrajudicial killings sa pagpapatupad ng war on drugs campaign nito.

Ipinahayag ni Ortega na hindi dapat makaapekto ang mga pampulitikang pananaw sa mga proseso ng batas.

“Nasa korte po talaga ‘yan,” giit pa ni Ortega, na aniya’y anuman ang kalalabasan, ang korte ang magpapasya at hindi ang opinyon ng publiko.

Ang confirmation of charges ng kaso ni Duterte ay itinakda sa Setyembre 23, 2025.