Calendar

Nagpakalat ng fake news may pananagutan sa batas
DAPAT managot ang mga indibidwal na nagpapakalat ng fake news, lalo na kung ang kanilang mga kasinungalingan ay naglalagay sa panganib ng buhay at umaabuso sa mga ordinaryong tao na walang kakayahang ipagtanggol ang kanilang sarili.
Ito ang sinabi ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union sa isang press briefing noong Lunes kaugnay sa paghahain ng kaso sa dalawang indibidwal na nasa likod umano ng viral misinformation campaign sa Cebu.
“Meron naman po tayong mga batas tungkol diyan eh, so kung meron po talagang magkakaso or magsasampa eh they will have to suffer po ng mga consequence ng mga pinapalaganap nilang ganyan,” sabi ni Ortega.
Nagbigay ng reaksyon si Ortega sa mga ulat na ang dalawang suspek ay sinampahan ng kasong paglabag sa cybercrime prevention law sa pag-edit umano sa kuha sa Sinulog Festival sa Cebu upang palabasin na ito ay prayer rally pabor kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Sabi ko nga po hindi pupuwedeng maging natural na lang dito sa atin ang fake news kasi buhay po minsan ang nakataya na dito eh. Lalo na po ‘yung mga common na tao na hindi naman po kayang lumaban at saka walang means,” wika ni Ortega.
“So dapat ipakita natin na ‘yung justice system natin gumagana sa part na ‘yun,” aniya.
Bilang isa sa mga pangunahing miyembro ng House tri-committee na tumatalakay sa disinformation, sinabi ni Ortega na ipagpapatuloy ng komite nitong Martes ang imbestigasyon kung paano kumakalat ang fake news online at kung paano makalilikha ng akmang batas laban dito.
“Well, ganun pa rin po ‘yun, tuloy-tuloy pa rin po tayo,” ayon pa sa kongresista.
Sinabi rin niya na maaaring imbitahan ang ilang personalidad, kabilang ang mga celebrities na naging biktima ng fake news, upang magbahagi ng kanilang karanasan at pananaw.
“‘Yung mga may experience po at saka nabiktima po ng fake news. Pero, I’m not sure kung ilan po ‘yung nag-confirm. But again, maganda ‘yung topics, ‘yung mga na-open up noong huling hearing natin,” ani Ortega.
Binigyang-diin din niya na mas laganap pa ang fake news sa mga probinsya, lalo na tuwing halalan.
“Actually sa provincial level po, ngayong election, grabe. Grabe po ang fake news,” aniya.
Nagbabala rin si Ortega tungkol sa mga mapanganib na epekto ng social media kung ito ay iresponsableng gagamitin.
“Nakita po natin kung gaano ka-destructive at saka ka-powerful ‘yung social media at saka ‘yung paglaganap din po ng fake news,” giit pa ng mambabatas mula sa La Union.
Gayunpaman, iginiit ni Ortega na anumang panukalang batas ay kailangang balansehin ang regulasyon at ang proteksyon sa kalayaang garantisado ng Saligang Batas.
“Gusto po natin kung meron man tayong gagawin na batas eh, medyo sensitive po doon sa part ng freedom of speech. At sisiguraduhin po natin na hindi po maaapektuhan ‘yun,” pagtatapos ni Ortega.