Just In

Calendar

April 2025
M T W T F S S
 123456
78910111213
14151617181920
21222324252627
282930  
Tolentino

TOL ikinalugod pagkilala ng Google Maps sa WPS

28 Views

IKINALUGOD ni Senate Majority Leader Francis ‘TOL’ Tolentino ang ginawang pagkilala ng Google Maps sa West Philippine Sea (WPS).

“Tuluy-tuloy ang paglawak ng pagkilala sa WPS ng international community at mga respetadong institusyon,” ayon kay Tolentino, punong may-akda ng makasaysayang Philippine Maritime Zones Law (Republic Act 12064).

“Ito’y tagumpay ng bawat Pilipino. Patunay din ito na tama ang kasalukuyang patakaran ng gobyerno alinsunod sa international law at prinsipyo ng multilateralism,” dagdag nya.

Magugunita na itinakda ng tinaguriang ‘Tolentino Law’ ang saklaw at hangganan ng WPS, kasama ang Talampas ng Pilipinas – isang mayamang undersea rise sa eastern seaboard ng Luzon.

“Mahalaga rin ang matibay na suportang natatanggap ng Pilipinas mula sa iba’t ibang bansa, kasama ang mga nangungunang ekonomiya, gaya ng Estados Unidos at European Union,” ipinunto nya.

Nilinaw ni Tolentino na di lang gobyerno ang nagsusulong sa pakikihamok ng bansa, kundi maging ang aktibong online presence at pagiging makabayan ng mga Pilipino.

“Napapansin tayo ng daigdig dahil sa ating pagkakaisa at kolektibong pagkilos bilang mga Pilipino. At ito’y sa kabila ng lumulubhang agresyon ng China laban sa mga barko ng gobyerno at mga mangingisda sa atin mismong exclusive economic zone,” dagdag nya.

Umaasa si Tolentino na susunod nang kikilalanin ng Google Maps ang Talampas ng Pilipinas, na kasalukuyang ‘Benham Rise’ pa sa app.

“Maaaring mabago na rin ito,” giit ni Tolentino, lalo’t opisyal nang tinanggap ng International Seabed Authority ang mapa ng Talampas na isinumite ng pamahalaan noong Marso 27, 2025.

Magugunita na pinalitan rin ang pangalan ng Benham Rise bilang Talampas ng Pilipinas sa pamamagitan ng ‘Tolentino Law.’

“Ito ang pamana natin sa susunod na mga salinlahi. Panalangin kong masaksihan balang araw na mapakikinabangan ng bawat Pilipino ang mga yaman mula sa WPS and Talampas ng Pilipinas, gaya ng enerhiya, na maghahatid sa atin tungo sa industriyalisasyon,” pagtatapos ni Tolentino.