Gatchalian

Sen. Win: Pabayang BIR, BOC officials dapat parusahan

21 Views

NAIS ni Sen. Win Gatchalian na patawan ng parusa ang mga opisyal ng pamahalaan na paulit-ulit na naging pabaya sa pagsunod sa teknikal na alituntunin sa mga operasyon at pagsamsam ng mga kontrabandong produkto na nagresulta sa pagbabasura ng mga kaso sa korte.

Bilang chairperson ng Senate Committee on Ways and Means, sinabi ni Gatchalian na sa pagsusuri sa mga kasong isinampa laban sa mga smuggler, lumabas na ilan sa mga ito ibinasura hindi dahil sa kawalan ng ebidensya kundi dahil sa teknikalidad.

“Nagkaroon nga ng operasyon at nasamsam ang mga smuggled na produkto pero natatalo tayo sa kaso dahil sa teknikalidad.

Dapat bago pa ang operasyon plantsado na ito. Kahit pa malakas ang ebidensya at kampante tayo na mananalo, natatalo pa rin tayo kapag naisampa na ang kaso dahil sa mga isyung teknikal,” giit ng senador.

Upang maiwasan na mabasura ang mga kaso dahil sa teknikalidad, binigyang-diin ni Gatchalian na dapat sampahan ng administratibong kaso at parusahan ang mga opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC) na paulit-ulit na nagkakamali at hindi sumusunod sa tamang standard operating procedures.

Sinabi ni Gatchalian na isang warrantless search ang idineklarang iligal kaya’t hindi tinanggap na ebidensya ang mga kahon ng sigarilyong nasamsam.

Sa isa pang kaso, nabigong maipakita ng prosekusyon ang maayos na pag-uugnay ng mga dokumento sa importasyon at sa aktwal na pisikal na inspeksyon ng mga produkto, dahilan upang hindi mapatunayan ang ‘guilt beyond reasonable doubt.’