Calendar

Huwag natin hayan na nakalibing tayo sa ating lumang pamumuhay at masamang pag-uugali (Juan 20:1-9)
“NOON ay pumasok na rin ang Alagad na unang dumating na libingan. Tumingin siya at sumampalataya, sapagkat noon ay hindi pa nila natatalastas ang Kasulatan, na siya ay kailangang mabuhay na mag-uli”. (Juan 20:8-9)
MALALIM at makahulugan ang mensahe ng muling pagkabuhay ng ating Panginoong HesuKristo o ang tinatawag na “resurrection”. Si Jesus ay muling nabuhay sa kamatayan matapos ang tatlong araw.
Matutunghayan natin ngayon sa Mabuting Balita (Juan 20:1-9) ang Muling Pagkabuhay ni Jesus matapos siyang ipako at mamatay sa Krus upang tubusin tayo sa ating mga kasalanan. Siya ay muling bumangon sa kaniyang “libingan”. Subalit hindi dito natatapos ang mga kaganapan at misyon ni Jesus dito sa lupa sapagkat siya ay nagpatuloy sa kaniyang mga gawain hanggang sa siya ay tuluyan ng umakyat na sa Langit.
Nangangahulugan lamang na hindi nadaig ng kamatayan si Jesus dahil siya ay bumangon mula sa kaniyang libingan para harapin ang panibagong yugto sa kaniyang buhay at misyon.
TAYO RIN AY NAKALIBING:
Marahil ay magtataka kayo kung bakit ko nasabing tayo ay NAKALIBING bagama’t buhay na buhay pa tayo. Hindi naman tayo nakalibing gaya ng libingan para sa mga patay. Kundi nakalibing tayo sa lumang pamumuhay natin tulad ng ating pag-uugali, mga bisyo, ang ating galit, kasakiman, pagkamuhi at kawalan ng malasakit at pagmamahal sa ating kapwa.
Ilan ba sa atin ang hanggang ngayon ay “nakalibing” parin sa ating mga lumang pamumuhay? Taong 2025 na pero hindi parin tayo nagbabago. Dala dala parin natin ang masama nating asal. Nariyan parin ang ating mga bisyo, lulong parin tayo sa pagsusugal, paglalasing Hindi parin napapatawad ang mga taing may atraso sa atin. Kimkim parin natin sa ating dibdib ang galit. Kung ganyan, hinahayaan natin na NAKALIBING parin tayo sa mga bagay na naglulubog sa atin sa kasalanan.
Ipinagdiwang natin ang Mahal na Araw sa loob ng pitong araw lalo na noong Biyernes-Santo na pinaka-highlight ng Lenten Season. Subalit ang tanong lamang. Ilan ba sa atin ang nakabangon na mula sa ating libingan o kaya ay tuluyan ng bumangon mula sa ating luma at makasalanang pamumuhay?
Baka naman pagkatapos ng Holy Week ay “back-to-normal” din tayo sa dati nating gawain. Kumbaga, naglie-low lang. Nagpalamig lang ba, pagkatapos ay tuloy ang ligaya. Balik tayo sa pagkakalat ng mga chismis laban sa ating kapwa, balik tayo sa dati nating gawain na pagpapakalat ng fake news, paninirang puri, pagmumura, kahalayan at iba pang masasamang gawain.
Ang ibig sabihin lamang nito. Hindi talaga nag-sink-in at hindi tumimo sa ating puso ang mensahe ng sakripisyo, kamatayan at muling pagkabuhay ng ating Panginoong Jesus. Ang nangyari, ang Lenten Season ay ginawa nating excursion ng ating pamilya o pamamasyal sa mga Simbahan, dahil hindi natin lubos na naunawaan ang tunay na kahulugan at mensahe sa atin ng Semana Santa.
Sapagkat kung pagkatapos ng Holy Week ay mayroon ka parin galit sa iyong kaibigan na laging nambabalahura sayo sa social media. Kung ganyan. Ikaw ay nakalibing parin, kung hanggang ngayon ay hindi mo mapatawad ang kapwa mo na nanloko sayo. Ikaw ay nakalibing parin sa iyong galit.
PAGBANGON MULA SA ATING LIBINGAN:
May kasabihan na “life must go on”. Subalit hindi ibig sabihin na sa pagpapatuloy ng ating buhay dito sa ibabaw ng lupa ay magpapatuloy din tayo sa mga dati nating gawain. “Move on na tayo”. Ngunit sa ating pag-usad, sikapin natin na mabago ang ating buhay. Bumangon na tayo sa ating LIBINGAN para sa ating ikabubuti. Ang ating pagbangon ay ang paglimot sa ating mga sama ng loob, sa ating mga galit, sa ating pagkamuhi at higit sa lahat ay pagtatakwil sa kasalanan.
Huwag natin hayaan na patuloy tayong NAKALIBING sa ating lumang pamumuhay sapagkat hanggang sa tayo ay tumanda, hindi na tayo makakabangon sa ating LIBINGAN. Hanggang sa tayo lumisan na dito sa mundo. “MOVE ON” na tayo ngayon panahon ng muling PAGKABUHAY ni Jesus.
Kaya natin mapagtagumpayan ang mga bagay na ito na unti-unti rin pumapatay sa ating pananampalataya kung hihingiin natin ang tulong ng ating Panginoon. Marahil ito na ang tamang panahon para BUMANGON na tayo sa ating LIBINGAN. Kung hindi ngayon, kailan pa? Huwag natin hayaan na nakulong tayo sa ating mga kuweba (gaya ng pinaglibingan ni Jesus) at magpadaig sa sulsol ng kasalanan. Ito na ang pagkakataon para tayo ay BUMANGON sa ating mga LIBINGAN.
Ang ilibing natin ay ang ating mga masasamang ugali, galit, kahalayan, pagmumura, panlalait at iba pang gawaing hindi maka-Kristiyano.
MANALANGIN TAYO:
Panginoon namin. Kami po ay dumudulog sayo upang kami ay mabangon din mula sa aming libingan. Nakalibing kami sa masama naming mga ugali, nakalibing kami sa aming kadamutan, galit, poot, kasakiman at pagkamaka-sarili. Hinihiling namin Panginoong Hesus na gaya mo, nawa’y tuluyan na namin lisanin ang libingang ito at bumangon tungo sa pagbabagong buhay at pagbabalik loob sayo.
AMEN