Calendar

Alyansa susugod sa vote-rich Pampanga, ikinasa 4 na campaign sorties
MANGANGAMPANYA sa vote-rich Pampanga sa Abril 23 ang 11 senatorial candidates ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas na suportado ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Magsasagawa ang Alyansa ng apat na malaking campaign rally sa magkakahiwalay na lugar sa Pampanga para makadaupang-palad ang mga kilalang Kapampangan leaders at ang mga mamamayan nito.
Ang serye ng campaign rally ng Alyansa sa vote-rich Pampanga ay inaasahang magpapalakas sa suportang makukuha sa probinsya na itinuturing na isa sa mga pinakamaimpluwensyang lalawigan sa bansa.
May ipinagmamalaking 1.67 milyong rehistradong botante, ang Pampanga ay isang matatag na political stronghold at krusyal na battleground para sa darating na midterm elections sa Mayo.
Noong 2022, nakakuha si Pangulong Marcos ng 735,000 boto mula sa lalawigan. Inaasahan ng Alyansa na muling ibibigay ng mga Kapampangan ang kanilang buong suporta para sa administration-aligned candidates ng koalisyon.
Ayon kay Alyansa campaign manager at Navotas City Rep. Toby Tiangco, ang isasagawang campaign sortie sa Pampanga ay pagpapakita ng commitment ng koalisyon na direktang makipagdayalogo at makasalamuha ang mga botante ng probinsya.
“Game-changer po ang Pampanga. Nais ng mga Kapampangan ng mga lider na kumikilos, hindi puro pasikat lang, at ito mismo ang ipinagmamalaki ng mga kandidato ng Alyansa,” sabi ni Tiangco.
Ibabandera ng Alyansa ang senatorial lineup nito na kinabibilangan nina dating Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, Makati City Mayor Abby Binay, Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., Senador Pia Cayetano, dating Senador Panfilo “Ping” Lacson, Senador Lito Lapid, dating Senador Manny Pacquiao, dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino, dating Social Welfare Secretary at ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo at si Deputy Speaker Camille Villar.
Inaasahang mainit na sasalubungin ng mga Kapampangan ang Alyansa, lalong-lalo na si Lapid na nagmula sa Porac, Pampanga, at dating gobernador ng lalawigan.
Nananatiling popular na public figure ang actor-turned-politician na si Lapid, na may malalim na relasyon at magandang public service record sa probinsya.
Bibisita ang Alyansa sa Angeles City at inaasahang iwe-welcome ng mga lider dito, sa pangunguna nina Pampanga 1st District Rep. Carmelo “Jon” Lazatin II at Mayor Carmelo “Pogi” Lazatin Jr., sa Lapid Arena.
Magsasagawa rin ng malaking campaign rally ang Alyansa sa San Fernando City na gaganapin sa Laus Events Center sa pagho-host ni dating presidente at kasalukuyang Pampanga 2nd District Rep. Gloria Macapagal Arroyo, kasama ang mga lokal na lider kabilang si Lubao Mayor Esmeralda “Esmie” Pineda.
Sa San Fernando City pa rin, dadayo ang Alyansa sa Kingsborough International Convention Center para makasama si 4th District Rep. Anna York Bondoc-Sagum at ilang mga alkalde mula naman sa central Pampanga.
Tatapusin ng Alyansa ang kanilang province-wide campaign sortie sa Bren Z. Guiao Convention Center, kung saan inaasahan ang lahat ng Pampanga provincial officials na magpapakita at magbibigay ng kanilang buong pagsuporta sa koalisyon.
Sabi pa ni Tiangco, ang matatag na lokal na liderato sa Pampanga kaakibat ng maayos na ekonomiya ay mga sapat na rason para paglaanan ng oras at panahon ng Alyansa.
“Hindi kami pupunta sa Pampanga para lang mangampanya. Narito kami para makipagtulungan sa mga Kapampangan para bumuo ng pangmatagalang kaunlaran. Tungkol ito sa paglikha ng trabaho, pagpaparami ng mga imprastraktura, maayos na serbisyo-publiko at mas tiyak na kinabukasan para sa lahat,” sabi pa ni Tiangco.
“Handa ang Alyansa na ipaglaban ang bawat boto ng Pampanga at magdeliber ng isang Senado na tunay na magtatrabaho para sa sambayanang Pilipino,” pagtatapos nito.